WOW Job Fair para sa mga nagsipagtapos ng Senior High School, Isinagawa

WOW Job Fair para sa mga nagsipagtapos ng Senior High School, Isinagawa

Dr. Catherine Maranan, OIC-Asst. Schools Division Superintendent kasama ang piling kawani ng Imus City Schools Division Office (DepEd Imus) at mga kumpanya na nakiisa sa isinagawang WOW Job Fair

Ni Christian Mespher A. Hernandez

Mga aplikante na dumagsa sa job fair noong Abril 11 sa CityMall Anabu

Sa pagtutulungan ng Schools Division of Imus City at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), idinaos ang kauna-unahang job fair para sa mga nagtapos ng Senior High School na pinamagatang “Job Fair 2018: WOW (World of Work) for SHS Graduates” noong Abril 11 sa CityMall Anabu.

Tinatayang nasa 1,600 aplikante mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod, kabilang na rin ang mga unemployed college graduates, ang dumagsa at sumalang sa interbyu sa 20 na kumpanyang naghahanap ng mga bagong kawani.

Kabilang sa participating companies ang Figaro Coffee, Chowking-Anabu, SM Hypermarket, HGS – Call Center, Sykes Asia Inc., SM Savemore, Waltermart, Starlight Food Corp., Riverdale Confectionery, Liwayway Marketing Corp., SM Appliance, Robinsons Supermarket, Abensons, Tagaytay Highlands, Tom’s  World, Great Ideas, EMI YAZAKI, IQOR, Pag Ibig Fund at Philhealth.

Layon ng naturang job fair ang matugunan ang isa sa tatlong maaaring tunguhin ng mga nagsipagtapos ng K to 12 Basic Education Program: trabaho, negosyo o kolehiyo.

Mga aplikante na dumagsa sa job fair noong Abril 11 sa CityMall Anabu

Ayon kay Dr. Catherine Maranan, OIC-Asst. Schools Division Superintendent, ito ang pagkakataon ng mga nagsipagtapos ng Senior High na patunayan ang kanilang mas pinahusay na kasanayang nahubog sa idinagdag na dalawang taon sa bagong kurikulum.

Pinaaalalahanan din niya ang mga aplikante na sakaling matanggap sa alinman sa 20 na nakibahaging kumpanya ay pahalagahan ito lalo kung ito ang kauna-unahang trabaho o oportunidad na ipinagkaloob sa kanila.

Kinilala at pinasalamatan naman ni PESO Manager Clarita Casing ang lahat ng nakibahagi, dumalo at naglaan ng oras para sa WOW Job Fair.

Aniya, hangad ng pamahalaang lungsod at ng PESO na maagapayan ang mga kabataang Imuseno tungo sa pagkamit ng kanilang mga pangarap dahil ang bawat isang Imuseno ay malaki ang bahagi sa tagumpay na inaani ng lungsod.

Dumalo rin sa makasaysayang pagtitipon at bumati sa mga SHS graduates si Kon. Eunice Ferriol-Quizol bilang kinatawan ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi.

Ngayong taon, ang mga mag-aaral na ito ay sasabak sa panibagong hamon bilang unang batch ng senior high school na nagtapos. Hangad din ng Punong Lungsod na maibahagi nila ang mga karagdagang kaalaman sa kumpanya na kanilang papasukan at makatulong sa kaunlaran ng kanilang pamilya at komunidad na kinabibilangan.

36total visits,4visits today

Add Comment