Ugnayan ng Meralco at Pamahalaang Lungsod ng Imus, Higit na Ipinagtibay

Ugnayan ng Meralco at Pamahalaang Lungsod ng Imus, Higit na Ipinagtibay

Congressman Alex “AA” L. Advincula at City Mayor Emmanuel L. Maliksi kasama ang mga kawani ng Meralco

Bellevue Hotel, Alabang – Noong Oktubre 25, 2017 isinagawa ang kauna-unahang strategic planning sa pagitan ng Manila Electric Company o mas kilala bilang Meralco at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Pagbibigay ng mensahe ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi sa isinagawang strategic planning ng Meralco kasama ang Pamahalaang Lungsod ng Imus

Ito ang kauna-unahang strategic planning na isinagawa ng Meralco kasama ang isang Local Government Unit. Layunin nito na higit na mapagtibay ang ugnayan ng nasabing pribadong kompanya at ng pamahalaang lokal sa pagbibigay ng naaayong serbisyo sa mga mamamayan.

Bahagi ng programa ang paglalahad ng short term at long term plans ng Meralco para sa mga business establishment ng lungsod kasama ang mga pampublikong pasilidad nito.

Sa pahayag ni G. Redel M. Domingo, Home and Microbiz Assistant Vice President and Head, ipinakita ang pagkakaparehas ng layunin ng Meralco at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa service tagline nito na “Sa Imus, Importante Ka, Ikaw ang Bida!”

Dito ipinapakita ang pagbibigay ng halaga sa bawat mamamayan na tumatangkilik ng kanilang serbisyo, kabilang dito ang pagsasagawa ng mga programa na nakasentro sa pangangailangan ng komunidad.

“As a customer centric company, we make sure that in everything that we do we put our customers at the core. Sa Meralco po, ang ating Imus ang bida,” pahayag ni G. Domingo.

Ito ang nagsilbing umpisa sa magandang samahan na naghandog sa mahigit 300 pamilya sa Sitio Pulo ng kuryente at nagpabago sa kanilang pamumuhay.

Pagtanggap ng Plaque of Appreciation ni Cong. Alex L. Advincula at City Mayor Emmanuel L. Maliksi para sa patuloy na pagtitiwala at pagsuporta ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Meralco

Ilan din sa mga binigyang diin ni Igg. Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi sa kaniyang mensahe ang tatlong malalaking proyekto na isasagawa ng pamahalaan sa mga susunod na taon, kung saan malaking bahagi ang maitutulong ng Meralco para sa epektibo at mabilisang pagsasagawa nito.

Una na rito ang Pabahay Program na tutulong sa mga informal settlers ng lungsod. Kasunod nito ang bagong itatayong mga government center na inaasahang isasagawa ang ground breaking ceremony ngayong darating na Disyembre.

Isa rin sa mga malalaking proyekto ng Pamahalaang Lungsod ang conversion ng regular na tricycle sa e-trike. Naniniwala ang lokal na pamahalaan na malaki ang magiging kontribusyon ng Meralco sa matagumpay at malawakang pagbabago na ito sa lungsod.

Patuloy rin ang pasasalamat ng Punong Lungsod sa tulong at suporta na ibinibigay ng Meralco sa mga isinagawa at mga nakaplano pang proyekto para sa Imus.

“Basta magkakasama at nagtutulungan, kahit na ano pang pangarap atin pong magagawa at makakamtan”, pagtatapos ng alkalde.

Matatandaan din noong Agosto 2016, sumailalim sa isang Memorandum of Understanding ang Meralco at ang Lungsod ng Imus upang mapagtulungan na paunlarin ang lungsod sa tulong ng iba’t ibang mga proyekto para sa mga minamahal na Imuseño.

811total visits,28visits today

Add Comment