Tulong Pang-Edukasyon sa mga PWD, Ipinamahagi

Tulong Pang-Edukasyon sa mga PWD, Ipinamahagi

Pamamahagi ng Educational Assistance para sa mga PWD kasama si Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi, Kon. Totie Ropeta Jr., Kap. Raul Silvestre, PDAO Head Mr. Allen Sastre, CSWDO Head Ms. Hermana Revilla, LCPC Focal Person Ms. Dulce Bustamante at mga benepisyaryo

 

LUNGSOD ng Imus – 100 persons with disability (PWD) ang nabigyan ng educational assistance mula sa Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) noong ika-19 ng Abril, 2017 sa Imus Multipurpose Hall.

Kaisa ng PDAO ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at Local Council for the Protection of Children (LCPC) na pawang tumututok at sumusuporta sa mga

Pamamahagi ng educational assistance para sa mga PWD sa pangunguna ni Mayor Maliksi

programang makakatulong sa pamumuhay ng mga kabataan. Hangad nito ang makapaghatid ng serbisyong naaayon sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat kabataang Imuseño.

Ang tulong pang-edukasyon na iginawad ng PDAO ay nagkakahalaga ng Php 3,000 bawat isang benepisyaryo. Naglalayon itong makatulong sa pag-aaral at makabawas sa dumaraming gastusin at pangangailangan ng mga specially-abled person sa Lungsod ng Imus.

Ayon kay City Mayor Emmanuel L. Maliksi, isa sa mga pinapahalagahan ng Pamahalaang Lungsod ang edukasyon ng bawat mamamayang Imuseño na nagbunga sa paghahatid ng iba’t ibang programa para sa ikagaganda ng kinabukasan ng mga kabataan sa lungsod. Tinututukan din ang pamamahagi ng tulong sa mga mamamayang may espesyal na pangangailangan kaakibat ang iba’t ibang departamento at samahan sa Imus.

Ikinatuwa rin ng Punong Lungsod ang suporta ng mga magulang sa mga adhikain ng Pamahalaang Lokal kasunod ng mga hakbang nito para mabigyan ng prayoridad ang pangangailangan ng bawat PWD.

Pagbibigay ng mensahe ni Mayor Maliksi sa mga benepisyaryo ng programa

Ang pamamahagi ng educational assistance ay isinasagawa ng PDAO taun-taon. Ito ay isa lamang sa mga programang pinagsusumikapan ng departamento para matulungan ang sektor ng PWD. Nabibigyan din nito ng pag-asa na mahasa pa ang kaalaman at kakayahan ng bawat isa sa tulong ng mga natatangi nitong mga proyekto.

Kabilang sa mga susunod na programa ng PDAO ang pamamahagi ng customized wheelchair sa pakikipagtulungan ng De La Salle Health and Sciences Institute (DLSHSI) at Latter Day Saints Movement. Kasunod nito ang pakikiisa ng departamento sa selebrasyon ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week tuwing buwan ng Hulyo.

Kabahagi rin ng PDAO ang LCPC at iba’t ibang departamento sa pagsasagawa ng proyekto nitong “Speciabilities” at “Imusika” na naglalayong ipamalas ang husay at talento ng mga specially-abled person sa Imus.

Inaasahan na sa mga susunod na buwan patuloy ang pagbibigay ng Pamahalaang Lokal ng epektibong serbisyo sa iba’t ibang sektor sa lungsod.

97total visits,5visits today

Add Comment