Trabaho at Tulong Pangkabuhayan para sa mga Imuseño

Trabaho at Tulong Pangkabuhayan para sa mga Imuseño

Malaking epekto ang naidulot ng kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan. Nagdulot ito ng iba’t ibang suliranin lalong higit sa mga kababayang Imuseño na natigil ang trabaho at pangunahing pinagkukuhanan ng kita, na bumubuhay sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Bilang tugon, sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang implementasyon sa mga programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan katulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture.

Sa ilalim ng DSWD, inihatid ang Social Amelioration Program (SAP) alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020 kung saan nakapaloob ang pagbibigay ng Php 6,500 para sa humigit kumulang 59,825 sambahayan kabilang ang mga miyembro ng 4P’s.

Ang nasabing ahensya ay naglabas din ng mga panuntunan para sa pagpili ng mga benepisyaryo ng programa. Kabilang dito ang pagkakaroon lamang ng isang (1) aplikante sa bawat sambahayan, at hindi pagtanggap nito ng iba pang tulong mula sa ibang ahensya ng gobyerno katulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture, DOLE at iba pa.

Prayoridad ng programa ang mga low income families o pamilyang  lubos na apektado ng community quarantine, senior citizen, persons with disability (PWD), buntis at lactating women, solo parents, mga natigil na Overseas Filipino Workers (OFW), indigent indigenous people, walang tirahan at mga informal economy workers.

Sa ilalim naman ng DOLE, isinagawa ang Tulong Panghanapbuhay sa Displaced Disadvantaged Workers (TUPAD) – Barangay Ko Bahay Ko (BKBK). Ang programa ay para sa higit isang (1) milyong informal workers na nawalan at naapektuhan ang trabaho dahil sa pandemya.

Naghatid ang Pamahalaang Lungsod ng dalawang (2) payout para sa 44 benepisaryo ng programa. Naatasan ang mga kwalipikadong benepisaryo sa sanitation at disinfection ng kanilang tahanan at komunidad sa loob ng 10 araw. Ang bawat tulong pinansyal ay inihatid sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng isang money remittance service provider.

Ang Department of Agriculture naman ay naghatid din ng tulong pinansyal para sa mga apektadong magsasaka. Nakapaloob dito ang one-time cash na Php 5,000 para sa bawat magsasaka na may dalawang (2) hektarya o mas mababa pa na lupang sinasaka.

Ang tulong pinansiyal ay nakatakdang ipamahagi sa humigit kumulang 600,000 magsasaka mula sa 35 probinsya sa Central Luzon.

Bilang tugon ng Pamahalaang Lungsod, ang proyekto nitong Survival Recovery Aid Program ay nakatakdang isagawa katuwang ang City Agriculture Services Office. Dito, nakapaloob ang Php 25,000 payable loan sa Landbank para sa mga magsasakang nais na makiisa sa programa.

Sa dumaraming bilang ng mga walang trabaho at natigil sa kani-kanilang hanapbuhay, malaking tulong ang mga programang ito upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at masuportahan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

73total visits,10visits today

Add Comment