Seal of Child-Friendly Local Governance, muling Iginawad sa Lungsod ng Imus

Seal of Child-Friendly Local Governance, muling Iginawad sa Lungsod ng Imus

Agosto 20, 2018, Quezon Convention Center – Sa ika-limang sunod na taon, muling tinaggap ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang pagkilala ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang Seal of Child-Friendly Local Governance para sa Lungsod ng Imus.  Bukod sa karangalang ito para sa Pamahalaang Lungsod, isa rin itong indikasyon ng mataas na pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan para sa mga kabataang Imuseño.

Ang iba’t ibang mga programang kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaang lokal, katuwang ang mga sangay ng national government tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office at Department of Education (DepEd) ay nakatutok sa pangangalaga ng mga pangunahing karapatan ng mga kabataan.  Kabilang dito ang karapatang mabuhay, karapatang maipagtanggol, karapatang makilahok at karapatang umunlad.  Upang maitaguyod ang mga karapatang ito, isinasagawa ang mga proyektong pangkalusugan, anti-bullying campaign, cultural exposure and talent development, at marami pang proyektong pang-edukasyon lalo na para sa mga may kapansanan at special needs.

Base sa mga kasalukuyang programang ito, nakakuha ng mataas na grado ang Lungsod ng Imus sa labindalawang (12) pamantayan ng CWC.  Kabilang sa mga pamantayang ito ang pagpapababa ng bilang ng mga batang edad lima (5) pababa na namamatay, kulang sa timbang, nagtatrabaho, naa-abuso o napapabayaan; pagpapataas ng bilang ng mga batang nakakapasok sa Child Development Center at nagtatapos ng elementarya; implementasyon ng iba’t ibang polisiyang pangkaligtasan sa mga komunidad at paaralan, kabilang na ang pagkakaroon ng anti-violence against women and children (VAWC) desks sa mga barangay; pagtataguyod ng children’s rights to survival, development, protection and participation sa core development agenda ng lokal na pamahalaan; PhilHealth accreditation para sa mga ospital o iba pang health facility lalo na sa pangangalaga ng mga buntis at musmos; at pitumpung porsyentong implementasyon ng Local School Board (LSB) Plan na katugon ng School Improvement Plan (SIP) ng LGU.

Ang mga programang itong nasimulan na ng administrasyong Maliksi may limang taon na ang nakakaraan ay asahang lalo pang palalawigin at ipagpapatuloy, hindi para sa pagkilalang maaaring makuha ng pamahalaang lungsod kung hindi para sa higit na pangangalaga at paglinang ng mga kabataang Imuseño na magsisilbing tagapagtaguyod naman ng mga susunod pang henerasyon.

163total visits,1visits today