Road Clearing Operation, Mahigpit na Isinagawa sa Imus

Road Clearing Operation, Mahigpit na Isinagawa sa Imus

Nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng road clearing operations sa iba’t ibang major roads sa lungsod na nagsimula noong buwan ng Agosto.

Ito ay alinsunod sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2019-121 na nagaatas sa bawat Local Government Unit (LGU) na tanggalin ang anumang mga road obstruction o nakasagabal sa mga daanan ng tao at sasakyan sa loob ng 60 araw.

Bilang tugon ng Pamahalaang Lungsod, pinangunahan ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang pagpupulong sa mga Punong Barangay upang linisin ang kanilang lugar sa mga road obstruction na nakakaapekto sa daanan ng mga tao at sa daloy ng trapiko. Tinalakay din sa pagpupulong ang pagbibigay ng babala sa mga establisyimiento at kabahayan na lumalabag dito.

Bumaba rin ang Punong Lungsod sa iba’t ibang major areas kabilang na ang Bucandala, Aguinaldo Hi-Way at Pamilihang Bayan para sa mahigpit na implementasyon ng nasabing memorandum circular.

Katuwang din sa pagsasagawa ng clearing operation ang Office of the Building Official, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City of Imus Traffic Management Office (CITMO), City Engineering Office, City General Services Office, City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Task Force on Anti-Ambulant Vendors.

Sa nasabing oeprasyon, tinanggal ang mga nakaharang na signage, advertising materials na walang permit, scaffolding, mga ilegal at double parking na sasakyan. Binaklas din ang mga bubong, pader at iba pang bahagi ng establisyimiento at kabahayan na sumasakop sa daanan.

Sa pagtatapos ng itinalagang araw at paggawad ng mataas na marka ng DILG sa balidasyon nito sa lungsod, patuloy pa rin ang Pamahalaang Lokal sa pag-iikot sa Imus upang masiguro ang pagsunod ng bawat establisyimiento sa mga itinakdang panuntunan at mandato.

120total visits,1visits today

Add Comment