Project Punla: Sa Imus, Bida ang Agrikultura!

Project Punla: Sa Imus, Bida ang Agrikultura!

Malaki ang ambag ng mga magsasaka sa produksyon at supply ng pagkain sa lungsod. Dahil dito, nagsulong ang Pamahalaang Lungsod ng programa nitong Project Punla sa pangunguna ng City Agriculture Services Office.

Ang Project Punla ay isang localized program ng Imus mula sa Plant, Plant, Plant Program ng Department of Agriculture (DA).

Layunin ng programa na masiguro ang tuloy-tuloy na produksyon sa supply ng bigas at gulay, maging ang iba pang pangunahing panangailangan ng mga mamamayan na maaaring tugunan ng agrikultura.

Ang programa ay nahahati sa tatlong bahagi – ang Immediate Program, Medium Program at Long-Term Program.

Ang Immediate Program ay nakasentro sa mga magsasaka ng palay at gulay na tutugon sa agarang pangangailangan ng mga mamamayan sa produksyon ng pagkain.

Nasasailalim naman sa Medium Program ang backyard gardening at small-scale farming kung saan hindi na kinakailangan ng malawak na lupain para makapagtanim, at maaaring gawin ng bawat isang Imuseño sa kani-kanilang tahanan.

Napapaloob naman sa Long-term Program ang Organic Urban Farming na bahagi ng Legacy Projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi. Bahagi nito ang pagsasaayos ng mga hindi ginagamit na lupain upang magamit sa organic farming.

Kabilang din dito ang Organikong Gulayan sa Paaralan na nakasentro sa mushroom production at Gulayan sa Barangay para sa pagtatayo ng mga communal garden.

Ang mga naunang produkto ng Project Punla tulad ng bigas at iba’t ibang gulay ay ibinahagi naman sa mga Covid-19 patients.

Libreng namamahagi rin ang City Agriculture Services Office ng mga binhi para sa mga Imuseño.

Namahagi naman ng mahigit 500 kaban (23 kilos) na palay seeds ang Pamahalaang Lungsod sa mga local farmers nito noong ika-26 ng Mayo bilang pakikiisa sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Seed Program ng DA.

Hinihikayat din ng Pamahalaang Lungsod ang bawat magsasaka na magpalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang makatanggap ng tulong at makabili ng mga dekalidad na binhi sa murang halaga.

Ito ay ilan lamang sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod na patuloy na kinikilala hindi lamang sa lalawigan kung hindi sa buong bansa.

Sa kinakaharap na pandemya, malaking tulong ang programang ito upang makapaghatid ng suporta sa mga magsasaka na siyang katuwang ng lungsod sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

13total visits,3visits today

Add Comment