Project EMMANUEL: 252 Smart TVs, Ipinamahagi

Project EMMANUEL: 252 Smart TVs, Ipinamahagi

Symbolic turnover ng 252 smart TV sa 35 na paaralan sa isinagawang selebrasyon ng Teacher’s Day sa Imus Sports Complex noong Disyembre 19, 2017.

Ni Christian Mespher A. Hernandez

LUNGSOD ng Imus – Napapanahong regalo ang ipinagkaloob ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi sa Schools Division of Imus City matapos mamahagi ng may kabuuang 252 Smart TVs sa 35 pampublikong paaralan alinsabay sa Division Teachers’ Day Celebration noong Disyembre 19 sa Imus Sports Complex.

Ang mga telebisyon na simbolikong tinanggap ni Dr. Editha Atendido, OIC-Schools Division Superintendent, at ng mga punong-guro, ay bahagi ng Project EMMANUEL ni Mayor Maliksi na may kahulugang “E-Learning Maximizes and Modernizes Acquisition of Never-ending, Unparalleled and Enhanced Literacy.”

Pagbibigay ng mensahe ni Mayor Maliksi sa mga guro ng lungosd.

“Sa bisa ng Project EMMANUEL, gusto natin na mas maabot pa yung pinapangarap nating magandang edukasyon para sa mga kabataang Imuseño,” pahayag ni Dr. Atendido.

Aniya, ang Project EMMANUEL ay suporta ng Pamahalaang Lungsod sa Schools Division upang mas maging mahusay ang pagtuturo ng mga guro gamit ang Information and Communication Technology (ICT) integration at mas mapataas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral na masasalamin sa iba’t ibang assessment gaya ng National Achievement Test (NAT) at Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI).

Sa kanyang mensahe, naghayag naman ng paniniwala ang alkalde na sa bisa ng Project EMMANUEL ay mas marami pang sisibol na magagaling na kabataang Imuseño na makakayang sumabay sa hamon ng pagtatrabaho sa loob man o labas ng bansa.

“Nakikita natin na sa pamamagitan ng Project EMMANUEL ay mas nailalapit natin sa mga estudyante at mga kabataan ang malasakit na sila ay mas matuto sa kanilang mga aralin. Ito ay para marating nating lahat ang gusto nating marating—sa personal, sa pamilya at para sa lungsod,” ani ni Mayor Maliksi.

Bukod sa mga telebisyon, nauna nang namahagi ng mga laptop, projector at widescreen si Mayor Maliksi sa mga paaralan base sa bilang ng mga silid-aralan at bilang ng pangangailan ng mga paaralan mula noong 2014.

 

40547total visits,8visits today

Add Comment