Programang Pabahay Hatid ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga sa mga Nangangailangang Pamilya

Programang Pabahay Hatid ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga sa mga Nangangailangang Pamilya

(Mula sa kaliwa) G. Valerio L. Baguio, Engr. Christian Mervin Sarno, Kon. Vincent Neil Amposta, Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, G. Edgar S. Purificacion, Brgy. Capt. Jerry P. Vilbar at G. Ponciano Gutierrez, Jr.

Agosto 22, 2018 – Sumailalim sa isang Memorandum of Agreement ang Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga para sa programang pabahay nito sa mga higit na nangangailangang pamilya.

Pinangunahan ang MOA signing ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi kasama ang mga kinatawan ng Punong Lungsod na sina Konsehal Vincent Neil Amposta bilang Committee Chair on Human Settlement, Engr. Christian Mervin Sarno at G. Valerio L. Baguio mula sa City of Imus-Human Settlement Council.

Kabilang naman sa kinatawan ng Gawad Kalinga si G. Edgar S. Purificacion na siyang Coordinator ng Gawad Kalinga sa buong Lalawigan ng Cavite kasama sina Brgy. Capt. Jerry P. Vilbar, GK Project Coordinator at G. Ponciano Gutierrez, Jr., GK Education and Youth Development.

Paglagda sa Memorandum of Agreement ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga.

Layunin ng kasunduang ito na patatagin ang seguridad ng mga naninirahan sa Gawad Kalinga at makapaghatid ng programang pabahay sa mga nangangailangang pamilya na nasa may tabing ilog at walang permanenteng tirahan, kasabay ng paghahatid ng iba’t ibang programa para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Nakapaloob din dito ang mga tulong na tutugunan ng Pamahalaang Lungsod kabilang na ang pagsasaayos ng kalsada, bakuran, kanal at instilasyon ng tubig at kuryente. Ang pagsasagawa naman ng ibang mga programa para sa kasanayang indibidwal ng mga residente ay kabilang sa mga tulong na isasagawa ng Gawad Kalinga.

Prayoridad ng Pamahalaang Lungsod na mailikas ang 120 bilang ng pamilyang nasa tabing dagat at ilog upang masiguro ang kanilang kaligtasan lalong higit sa sunod-sunod na dating ng bagyo at kalamidad sa bansa.

Upang maisaayos ang pamamahala sa Gawad Kalinga at agarang matugunan ang iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente, napagkasunduan ang pagbubuo ng Project Coordination Office (PCO) an siyang mangunguna sa implementasyon ng mga nakaplanong programa at gawain.

Ang higit na pagpapatibay sa magandang ugnayan ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga ang magsisilbing daan sa marami pang programang pabahay at mga proyektong magtataas sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

33total visits,1visits today