Programang Pabahay Hatid ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga sa Mahigit 120 Pamilyang Imuseño

Programang Pabahay Hatid ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga sa Mahigit 120 Pamilyang Imuseño

Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi kasama ang mga residente ng Gawad Kalinga Alapan.

Opisyal na inilunsad ang ikalawang bahagi ng Gawad Kalinga Project o Proyektong Pabahay noong Oktubre 23 sa Gawad Kalinga Alapan Site, Barangay Alapan II-B na nagbigay tulong sa mahigit 120 na pamilya mula sa Barangay Palico I, II at III.

Pagbibigay ng mahigit Php 1.6 Milyon na donasyon ni G. Carlos Chan ng Liwayway Marketing Corporation

Prayoridad ng Pamahalaang Lungsod na mailikas ang mga naninirahan sa tabing ilog at mga kabahayang may mahihinang pundasyon upang masiguro ang kanilang kaligtasan lalong higit sa sunod-sunod na dating ng bagyo at kalamidad sa bansa.

Ang bawat bahay na itatayo ay nagkakahalaga ng Php 164,000. Nagbigay din ang Liwayway Marketing Corporation, sa pangunguna ni G. Carlos Chan ng Php 1,650,000 na donasyon para sa konstraksyon ng 10 kabahayan.

Pinangunahan ang MOA signing ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi kasama ang mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod na binubuo nina Konsehal Vincent Paul Amposta bilang Committee Chair on Human Settlement, Engr. Christian Mervin Sarno at G. Valerio L. Baguio mula sa City of Imus-Human Settlement Council.Upang maisulong at mapagtibay ang programang pabahay, sumailalim sa isang Memorandum of Agreement ang Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga noong ika-22 ng Agosto.

Kabilang naman sa kinatawan ng Gawad Kalinga si G. Edgar S. Purificacion bilang Coordinator ng Gawad Kalinga sa buong Lalawigan ng Cavite kasama sina Punong Barangay at GK Project Coordinator Jerry P. Vilbar, at G. Ponciano Gutierrez, Jr. ng GK Education and Youth Development.

Nakapaloob sa kasunduang ito ang mga tulong na tutugunan ng Pamahalaang Lungsod kabilang na ang pagsasaayos ng kalsada, bakuran, kanal at instilasyon ng tubig at kuryente. Ang pagsasagawa naman ng ibang mga programa para sa kasanayang indibidwal ng mga residente ay kabilang sa mga programang isasagawa ng Gawad Kalinga.

Gawad Kalinga Housing Project Site Development Plan

Napagkasunduan din ang pagbuo ng Project Coordination Office (PCO) upang maisaayos ang pamamahala sa mga pamilya sa Gawad Kalinga at matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Matatandaan na noong taong 2006, inilunsad naman ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at Gawad Kalinga (GK) Community Development Foundation, Inc. ang “Pamayanang Gawad Kalinga sa Imus.” Ito ang unang bahagi ng proyektong pabahay ng Pamahalaang Lungsod na binubuo ng 134 na kabahayan.

Ang higit na pagpapatibay sa magandang ugnayan ng Pamahalaang Lungsod at Gawad Kalinga ang magsisilbing daan sa marami pang programang pabahay at mga proyektong magtataas sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

52total visits,1visits today