Problema sa Basura, Basta Tulong-Tulong at Sama-Sama, Lahat ay Makakaya

Problema sa Basura, Basta Tulong-Tulong at Sama-Sama, Lahat ay Makakaya

Modern, Green, Sustainable.

Ito ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod para sa isang matatag, maunlad at makakalikasang Imus.

Sinisiguro rin ng Pamahalaang Lungsod na malaki ang epekto nito sa kaunlaran at kaayusan ng bawat mamamayan at maging sa komunidad na kinabibilangan nito.

Patunay dito ang magandang datos na nagpapakita ng maayos na implementasyon at aktibong pakikibahagi ng mga mamamayan sa mga programa at inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod.

Para sa Liquid Waste Management, ang Pamahalaang Lungsod ang kauna-unahang local government unit sa CALABARZON na naglunsad ng programa nito na Green School Program na nasasailalim sa Legacy Projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi. Sa programang ito kabahagi ng pamahalaan ang bawat paaralan sa pangangalaga sa kalikasan.

Sa ilalim ng Green School Program, ang pamahalaan ay nakapamahagi ng E-vehicle at Solar Panels sa 35 Public Schools, Rain Water Harvesting System at Sewerage Treatment Plant (STP).

Bukod sa malaking matitipid sa konsumo ng kuryente, gasolina at tubig, malaking tulong din ang naibibigay nito sa kalikasan.

Maliban sa mga paaralan, nakapaglagay din ng STP sa mga pampublikong pasilidad kagaya ng mga pamilihan, slaughterhouse at ospital. Sa kabuuan, ang Lungsod ng Imus ay mayroong walong STP at ito ay patuloy pang dadagdagan sa iba pang pasilidad buhat sa magandang benepisyo nito.

Malaki ang kontribusyon ng mga waste water treatment facility upang masiguro na ligtas ang mga itinatapong tubig sa mga ilong sa Imus. Ito ay nasasalamin sa Water Quality Effluent Result ng Mach Union Laboratory.

(Result)

Dito, 50 milligrams per liter ang DENR criteria para sa Class C water. Sa nasabing mga resulta masasabing malaki ang naging tulong ng STP upang mapababa ang biochemical oxygen demand (BOD) sa mga waste water.

Sa pakikipagtulungan din sa Maynilad, mula 2,633 noong 2017, umakyat sa 4,854 ang mga kabahayang naserbisyuhan ng septic tank desludging sa taong 2019.

Hindi rin nagpapahuli ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga makabagong programa nito para sa Solid Waste Management.

Mula sa programa nito maraming basura ang nagiging kapakipakinabang at nagagamit sa iba pang gawain, dahilan upang mabawasan ang mga hinahakot na basura araw-araw.

Sa programa nitong BasuRaffle, napapalitan ang mga plastic residual waste ng mga kabahayan ng raffle tickets. Katumbas naman nito ay ang mga kagamitan at mga kasangkapan sa bahay na maaaring makuha sa pamamagitan ng regular na raffle draw.

Sa tulong ng programang ito, kaisa ang mga barangay at mga pampublikong paaralan sa lungsod, 22,637 kilos na plastic residual waste ang nakokolekta. Bahagi ng mga ito ay dinadala sa Cemex, isang DENR accredited cement factory na gumagamit ng co-processing technology upang marecycle ang mga plastic residuals.

Ang mga naprosesong plastic residuals ay ginagawang eco-bricks na ginagamit sa ating mga pasilidad.

Bukod pa rito, malaking tulong rin ang pakikiisa ng bawat barangay sa mga inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod na makikita sa resulta ng Environmental Compliance Audit (ECA).

Dito, 100% ng mga barangay sa lungsod ay mayroong functional material recovery storage na noon ay 97% lamang.

87,959 o 80.87% naman ng mga kabahayan sa buong lungsod ang compliant sa waste segregation sa first quarter ng 2019 at ito ay umakyat sa 82% sa 2nd quarter.

Sa mga nakokolektang basura, ang 492,086.44 kilos o 8,014 sacks na total waste diverted noong 1st quarter ng 2019 ay umakyat sa  826,778.89 kilos o 16,818 sacks sa 2nd quarter sa tulong ng mga piggery at junkshop sa lungsod na sumailalim sa Memorandum of Agreement kasama ang mga barangay.

Malaking bahagi rin ang mga programa ng pamahalaan upang mabawasan ang porsyento ng mga nakokolektang basura sa bawat kabahayan at magamit ito sa mas kapakipakinabang na pamamaraan.

Buhat naman sa mga programang pabahay ng Pamahalaang Lungsod, dalawampu’t dalawang pamilya ang nailikas mula sa Palico 4 at dalawampu’t lima naman ang mula sa Bucandala 1.

Sa mga susunod na taon inaasahan na ito ay darami pa sa pagnanais ng Pamahalaang Lungsod na makapaghatid ng isang matatag at ligtas na tahanan para sa mga pamilya na naninirahan sa tabing ilog.

Ito ay ilan lamang sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na nagbunga sa pagkakakilanlan ng Imus bilang Environmental Compliance Audit (ECA) Platinum Awardee.

Ang problema sa basura, basta tulong-tulong at sama-sama, lahat ay makakaya! Tunay na sa pagkakaisa, lahat ay bida!

81total visits,6visits today

Add Comment