Paskuhan sa Imus: Tunay na Makabuluhang Pagdiriwang

Paskuhan sa Imus: Tunay na Makabuluhang Pagdiriwang

Pagsisimula ng selebrasyon ng Paskuhan sa Imus 2017

Kilala ang mga Pilipino na isa sa mga may pinakamahabang selebrasyon ng kapaskuhan sa buong mundo.  Pagpasok ng huling bahagi ng taon, kanya-kanya nang gayak ng mga palamuti at Christmas tree ang mga kabahayan.  Pagtungtong pa lamang ng Setyembre ay mapapansin na ang mga ilaw sa iba’t ibang pasyalan at maririnig na rin ang himig ng mga pang-Paskong awitin.  Kasabay ang presko at malamig na hanging na dala ng amihan, ang simoy ng Pasko ay damang dama hanggang Enero.

Sa Lungsod ng Imus, ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay mas pinakulay at pinasaya pa sa pamamagitan ng iba’t ibang mga proyekto ng lokal na pamahalaan.  Sa buong buwan, abala ang mga Imuseño sa sari-saring mga programa na lalo pang nagpapakinang sa selebrasyon na nagsisilbing atraksyon para dayuhin ng mga tao ang Flag Capital taun-taon.

Pananatili ng Tradisyon

Nagsimula ang Paskuhan noong dekada ’90 kung saan ang dating Punong Bayan Erineo S. Maliksi ay nagnais na pagkaisahin ang mga mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapaganda ng kani-kanilang mga barangay na pinupuno ng mga pailaw at pang-Paskong dekorasyon.  Dahil dito, mas nabubuhay ang kaugalian ng bayanihan at pakikisama ng bawat isa habang unti-unting lumalaganap ang kasiyahang dala ng Pasko.  Mas higit sa premyong naghihintay sa magwawaging barangay, higit na pinahahalagahan ng mga Imuseño ang tuwang naidudulot ng ganda at kinang ng kapaligiran sa mga residente maging sa mga pumapasyal.

Pamamahagi ng kasiyahan ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi at ng kanyang pamilya sa mga bata sa Imus sa pamamagitan ng isang story telling at gift giving activity noong Disyembre 16, 2017 sa Imus City Plaza.

Ang city plaza, na kabilang sa kulturang minana natin mula sa mga Espanyol, ay napapanatiling maganda at kapakipakinabang sa Imus at nagsisilbing lugar kung saan nagtitipun-tipon ang mga magkakababayan tuwing may mga espesyal na okasyon.  Noong ika-4 ng Disyembre, ginanap ang taunang pagpapailaw ng giant Chirstmas tree kasama ang Punong Lungsod Igg. Emmanuel L. Maliksi, Congressman Alex “AA” Advincula, at mga kapwa-lingkod bayan.

Matapos ang programa sa plaza ay sumunod na ring nagpa-ilaw ng kanilang mga dekorasyon ang mga barangay at subdivisions, na isa sa mga nagiging simbolo ng pagkakaisa ng mga Imuseño.

Ang pakikipag-kapwa at pakikipagkaibigan ay pinananatili ring buhay sa Palarong Pinoy sports festival, kung saan ang mga cluster ay nagpapaligsahan sa iba’t ibang mga tradisyonal na larong Pilipino tulad ng piko, tumbang preso, luksong baka at patintero. Sa kabila ng mga modernong teknolohiya, nariyan pa rin ang pagpapahalaga sa mga dating larong kinagisnan ng ating mga ninuno na ngayon ay ipinapasa naman sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

 

Nagbabagong Kultura

Ang isang selebrasyon ay hindi magiging kumpleto kung walang pagsasalu-salo, ngunit sa halip na kinaugaliang mga putahe ng Noche Buena, binuksan ang Fudtripan sa Imus Sports Complex Parking Space.  Naghilera ang mga mesa at tindahan ng mga pagkain tulad ng barbeque, iba’t ibang ulam, maging ang mga paboritong pang-Paskong bibingka and puto bumbong.

Ilang palatuntunan din ang idinaos para ipakita ang talento at galing ng mga Imuseño, tulad ng Himig Pasko; The Voice of Christmas, isang solo amateur singing contest; Festival of Dance ng Imus Institute, kung saan ang mga mag-aaral ng IIST ay nagtanghal ng iba’t ibang klase ng sayaw; The Groove, isang group dance contest; Imus Unida Concert; at Imus Youth Symphonic Band Concert.  Maging ang mga batang may angking husay sa pagguhit ay nagpamalas din ng kanilang mga talento sa “Paskong Imuseño, mula Noon hanggang Ngayon” on-the-spot painting contest.

Bunga ng Pananampalataya

Kasabay ng mga kasiyahan ay nariyan din ang pagbabahagi ng biyaya ng iba’t ibang organisasyon sa pamamagitan ng medical missions, gift giving, at iba pa.  Kasabay din ng pagdiriwang ang pagkilala sa mga kawaning may 10 hanggang 35 na taong nagbibigay serbisyo sa Pamahalaang Lungsod.  Ang mga guro at kawani rin ng DepEd ay naglaan ng isang gabi ng kasiyahan, gayundin ang Federation of Imus Homeowners Association, Inc. (FIHAI) at Liga ng mga Barangay.  Bilang ama ng lungsod, si Mayor Maliksi kasama ang kanyang pamilya ay nagsagawa rin ng story telling at pamamahagi ng regalo sa mga batang Imuseño.

Dahil ang lahat ng ito ay nakapaloob sa paggunita at pasasalamat nating mga Pilipino para sa pagdating ng Mesias, ang Paskuhan ay lalo pang nagpapayabong ng diwa ng pagbibigayan at kapayapaan para sa mga nakikibahagi.

Sa panahon ng Kapaskuhan, kung kailan ang bawat isa ay nagiging mas palakaibigan at mapagbigay, tinitiyak ng mga Imuseño na mas maraming mamamayan ang makadarama ng tunay na malasakit at pagmamahal.  Mas higit sa isang pagdiriwang, ang Paskuhan sa Imus ay nagsisilbing paraan para makapagbahagi hindi lamang ng mga materyal na bagay kundi ng mahalagang oras, talento at lakas para sa isang hindi malilimutan at mas makabuluhang Pasko.

7257total visits,1visits today