PASKUHAN SA IMUS: Pagkakaisa at Pagbibigayan Tungo sa Masaya at Masaganang Kapaskuhan

PASKUHAN SA IMUS: Pagkakaisa at Pagbibigayan Tungo sa Masaya at Masaganang Kapaskuhan

Niña Pauline L. Tapawan/Eliseo Taparan

LUNGSOD ng Imus – Isa sa patuloy na dinadayo ng mga turista at mga kapwa Imuseño ang Paskuhan sa Imus na tiyak na pinapasaya ng isang buwang programa ng Pamahalaang Lungsod.

Ngayong taon, binibigyang diin sa pagdiriwang ng Paskuhan sa Imus ang malalim na tradisyong nakaugat sa pananampalayang Kristiyano bilang malaking pasasalamat sa pagsilang ng Mesiyas – ang Dakilang Panginoong Hesukristo.

Pagbubukas ng Paskuhan sa Imus kasama si (Mula sa kaliwa) Vice Mayor Ony Cantimbuhan, City Mayor Emmanuel L. Maliksi at Congressman Alex “AA” Advincula

Sa pahayag ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi sa pagbubukas ng selebrasyon ng Paskuhan, pinasalamatan niya ang mga nakiisa sa pagdiriwang na siyang lalong nagbibigay kulay sa selebrasyon.
Nakiisa din sa pagdiriwang ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ng butihing Bise Alkalde, Hon. Arnel “Ony” M. Cantimbuhan na patuloy na sumusuporta sa mga programa at adhikain ng Pamahalaang Lungsod.“Ang partisipasyon ng bawat isa ang siyang tumutulong upang lalong maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng kapaskuhan”, aniya ng alkalde.

Hindi din nawawala sa pagdiriwang si Congressman Alex “AA” Advincula na masayang nakikibahagi sa mga aktibidad at programa sa lungsod.

Isa si Congressman AA sa mga nagbukas ng Paskuhan ngayong taon kasabay ng fireworks display at pag-iilaw ng mga palamuti sa buong Imus City Plaza. Sa kanyang tulong, naisagawa ang mga programa na tutugon sa mga agarang pangangailangan ng mga Imuseño.

Ang makulay na pagdiriwang ay kabilang sa mga programang itinampok sa Rated K. Ito ay patunay sa saya at ganda ng natatanging selebrasyon na mayroon ang Lungsod ng Imus.

Kabilang sa Paskuhan ang Interschool Eco-Lantern Making Contest na sinasalihan taun-taon ng iba’t ibang pangpribado at pampublikong paaralan sa lungsod. Ito ay isa sa mga dinarayo sa bayan ng maraming turista buhat sa labis na paghanga sa naiibang kakayahan ng mga Imuseño na gawing makasining ang parol na idinisenyo sa kulturang likas at nakaugat sa tradisyong Pilipino.

Hindi rin nawawala ang Fudtripan sa Imus na binuksan noong Disyembre 1 sa tabi ng Imus Sports Complex.

Upang lalong madama ang himig at diwa ng pasko, patuloy ang panghaharana at pagpapasaya sa mga Imuseño sa isinagawang Acoustic Night at Variety Show sa Imus City Plaza.

Kasunod nito ang Tatak Sumi Etivac noong Disyembre 3 kung saan nakilahok ang mga Imuseño sa isinagawang Tattoo Convention, Battle of the Bands, Bakte-an at marami pang aktibidad na nakapaloob sa programa.

Kabilang din sa pagdiriwang ang kinagigiliwan ng mga Imuseño, ang K! Videoke Challenge na nilahukan ng mga Imuseñong may natatanging talento sa pagkanta.

Bilang pasasalamat sa panibagong taon ng pagdiriwang at pagsariwa sa tunay na diwa ng kapaskuhan, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng isang Thanksgiving Mass sa Katedral ng imus kasama ang Sangguniang Panlungsod, Department/Unit Heads at mga empleyado ng tanggapan.

Bring It on the Floor

Kaisa din sa isang buwang pagdiriwang ang mga homeowners’ association sa kanilang FIHAI Night gayundin ang Department of Education (DepEd) sa kanilang isinagawang programa sa Imus City Plaza.
Higit din na pinasaya ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng mga kabataan sa “Ang Pasko ay Sumapit, A Christmas Costume Night with Children” sa Imus City Plaza.Hindi rin nagpapahuli ang mga Imuseño pagdating sa sayawan sa katatapos lamang na Bring It on the Floor Dance Crew noong Disyembre 10 sa Imus City Plaza.

Isinagawa din ang general assembly ng mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod noong Disyembre 16 sa Imus Sports Complex.

Makulay na Imus City Plaza

Kasama din sa ginugunita ngayong buwan ang pagsariwa sa 13 Martyrs ng Imus kasunod ang Amatyurista na dinagsa ng mga mamamayan sa loob at labas ng lungsod na nais ipamalas ang angking talento sa pagkanta.

Binigyang buhay din ang natatanging sayaw na nagmula sa Cavite, and Bakte. Ito ang isa sa mga kinagigiliwan ngayon ng mga kabataan na nagbigay daan sa pagkakabuo ng Bakte-an 2 Dance Contest and Party bilang pagsasabuhay na din sa yaman ng kultura ng lungsod at ng Cavite.

Isang buwan ng kasiyahan ang Paskuhan sa Imus na ang pinakatampok ay ang Panuluyan 2015 na ginanap noong ika-23 ng buwan.

Ayon kay Mayor Maliksi, ang Panuluyan ay muling pagsasabuhay sa mahirap na paglalakbay ng mag-asawang Birheng Maria at San Jose para humanap ng isang lugar na pagsisilangan ng Panginoong Jesus.

Ito ang pinakaaabangang bahagi ng isang buwang Paskuhan sa Imus na tiyak na muling aakit sa maraming debotong Kristiyano at mga mamamayang dumayo pa sa lungsod upang masaksihan lamang ang kakaiba at natatanging Paskuhan sa Imus.

Matatandaan na ang Lungsod ng Imus ay kinilala bilang Retail Capital of the Philippines ng Department of Trade and Industry (DTI). Kasabay din dito ang parangal sa lungsod bilang 2nd Place in Economic Dynamism sa buong Pilipinas buhat naman sa katatapos lamang na 4th Regional Competitiveness Summit ng National Competitiveness Council (NCC) noong buwan ng Hulyo ngayong taon.

Sa patuloy na pag-unlad ng turismo at ekonomiya ng lungsod, binigyan ng Seal of Good Local Governance Award ang Pamahalaang Lungsod mula sa Regional Department of Interior and Local Government (DILG) bilang pagkilala na din sa mahusay nitong pamamahala na nagbunga sa kaunlaran na tinatamasa ng lungsod at mga mamamayan nito ngayon.

Bukod dito, kinilala din ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang Imus sa katatapos lamang na Gawad Kalasag 2016 kung saan nasungkit nito ang 2nd Place sa buong rehiyon.

Sa Paskuhan ngayong taon, masasaksihan rin ang magagandang parol na nakahantad sa madla na lalo pang nagpapasigla sa makulay na tradisyong Paskuhan sa Imus, bukod pa rito Simbang Gabi sa Katedral ng Imus, pagkaing Pinoy na puto-bumbong, bibingka at mga kakaining dinadayo ng mga deboto at turista.

Kasunod din ng isang buwang pagdiriwang ang paggunita sa kamatayan ng Pambansang Bayani, Dr. Jose P. Rizal noong Disyembre 30, 2016.

“Sa pakikipagtulungan ng bawat departamento at ahensya ng ating Pamahalaang Lungsod, patuloy na magniningning ang Imus sa mga natatanging selebrasyon nito para sa mga minamahal nating kababayan at mga turista na nais makiisa sa ating pagdiriwang”, pahayag ni Mayor Maliksi.

Hinikayat din ng alkalde ang patuloy na pagsuporta ng mga Imuseño sa mga programa at adhikain ng Pamahalaang Lungsod tungo sa pagpapatuloy ng kaunlarang tinatamasa ngayon.

“Nais kong ipaabot ang aking mainit at masayang pagbati ngayong panahon ng kapaskuhan. Batid ko ang isang masaya at masaganang taon na muli nating pagsasamahan. Tayo ay magkaisa at patuloy na magbigayan hindi lamang ngayong nalalapit na kapaskuhan ngunit pati na rin sa iba pang mga araw at taon. Muli, isang Maligayang Pasko at Mapagpalang Bagong Taon!”, pagtatapos ng alkalde.

532total visits,2visits today

Add Comment