Paskuhan sa Imus 2019

Paskuhan sa Imus 2019

Kilala ang mga Filipino sa makulay at masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa pagsisimula ng “Ber” months, nagsimula na rin ang mga Filipino sa Christmas countdown nito kasabay ng mga masasayang Pamaskong awitin na maririnig sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa Lungsod ng Imus, higit ding makulay ang pagdiriwang ng Pasko sa taunang Paskuhan sa Imus. Mula sa pagpapailaw ng mga naggagandahan at makukulay na dekorasyon sa Imus City Plaza, inaantabayanan din ang mga masasayang programa na hatid ng City Tourism and Development Office at iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Higit sa isang tradisyon

Nagsimula ang Paskuhan sa Imus taong 1990s sa pamumuno ni dating Punong Lungsod Ayong S. Maliksi. Ito ang panahong nagdiriwang ng Kapaskuhan ang noong munisipalidad ng may karagdagang saya at kulay para sa bawat mamamayan.

Upang ipagpatuloy ang legasiyang ito, ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi ay muling isinagawa ang taunang pagdiriwang kung saan naisasabuhay ang mga kultura at tradisyong Filipino at naipapakita ang pagpapahalaga sa pamilya ng bawat Imuseño.

Sa taunang selebrasyon naipapakita rin ang pagbabayanihan at pagmamahal sa bayan ng bawat mamamayan na nasasalamin at nagbibigay ng higit na kulay at saya sa nasabing pagdiriwang.

Ang Pasko ay para sa lahat

Ang Pasko ay para sa lahat. Mula sa mga gender-sensitive na programa nito, ang Paskuhan sa Imus ay binubuo ng iba’t ibang aktibidad para sa mga kabataan, persons with disability (PWDs) at maging sa LGBTQ+ community.

Isa sa mga inaabangan ang Search for Miss Christmas Gay contest. Suot ang mga makukulay at malilikhaing Christmas costumes, ipinamalas din ng mga kalahok ang kanilang talento sa kanilang pagtatanghal at husay sa pagsagot sa iba’t ibang mga tanong.

Nakiisa rin ang Pamahalaang Lungsod sa pagdiriwang ng International Day of PWD sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na namahagi ng mga Christmas packs sa mga kababayang PWD.

Naghatid naman ng saya at aral ang Imus City Library at City Parks and Historical Sites Administration Unit sa taunang storytelling at gift giving activity kasama sina City Mayor Emmanuel L. Maliksi at City Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan sa Imus City Plaza.

Makabago at malikhaing programa

Ang Paskuhan sa Imus ay hindi makukumpleto kung wala ang mga malikhain at makulay na dekorasyong gawa ng iba’t ibang paaralan sa lungsod. Ang Star Parol Making Contest ay bahagi na ng taunang tradisyon ng Paskuhan kung saan ipinapamalas ang pagiging malikhain ng mga Imuseño sa paggawa ng kanilang sariling parol gamit ang mga recyclable materials.

Ipinakita rin ng mga Imuseño ang kanilang talento sa Imus Got Talent at Tanghalan ng Kampeon. Patunay lamang na ang Imus ay tahanan ng mga mahuhusay at talentadong mamamayan.

Sa loob ng ilang taon, ang Paskuhan sa Imus ay nananatili sa layunin nito na magbahagi ng saya at natatanging karanasan sa bawat mamamayan sa pamamagitan ng paggunita sa kapanganakan ni Hesus at pagbabahagi ng totoong diwa ng Kapaskuhan – pagmamahalan at pagbibigayan.

61total visits,3visits today

Add Comment