Pamahalaang Lungsod ng Imus, Aktibong Nakilahok sa 2017 International Coastal Cleanup

Pamahalaang Lungsod ng Imus, Aktibong Nakilahok sa 2017 International Coastal Cleanup

Imus River Cleanup bilang pakikiisa sa selebrasyon ng International Coastal Cleanup 2017 kasama ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod, Imus PNP at iba’t ibang mga institusyon sa Lungsod ng Imus

Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ang isinagawang river cleanup noong Setyembre 16, 2017

LUNGSOD ng Imus – Sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), nakibahagi noong Setyembre 16 ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 2017 International Coastal Cleanup sa pamamagitan ng paglilinis ng Imus River na isa sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa lalawigan patungo sa Manila Bay.

Dala ang temang “Together for our Ocean,” may humigit kumulang 370 Imuseño ang sumama dala ang kanilang mga sako at iba’t ibang kagamitan sa Barangay Palico I, Palico II, Palico III, Tanzang Luma I at Poblacion IV-A para makiisa sa ginawang paglilinis ng ilog.  Kabilang dito ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, Imus PNP, mga mag-aaral ng Cavite State University at mga empleyado ng Coca-Cola Bottling Corp.

Itinuloy ang cleanup ng Imus River sa bahagi ng Barangay Anabu 1-F at Anabu 1-G noong ika-21 ng Setyembre kasama ang Provincial Environment and Natural Resources Office at ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng lungsod.  Tinatayang may kabuuang isang (1) kilometro ang nalinis sa dalawang magkahiwalay na cleanup na isinagawa.

Pagpapatuloy ng Imus River Cleanup noong Setyembre 21, 2017 sa Barangay Anabu 1-F at Anabu 1-G.

Layunin ng International Coastal Cleanup na patuloy na pangalagaan ang ating karagatan sa pamamagitan ng pagpigil sa mga basura na makarating pa sa mga ito.  Bilang isa sa mga pangunahing pinagkukunang pagkain, nararapat lamang na pangalagaan ang kapakanan ng karagatan at ng mga natural na yaman nito tulad ng marine life at mga underwater landscapes at seascapes.

Kapabayaan ng tao ang pangunahing dahilan ng pagkasira at polusyon, hindi lamang sa mga karagatan, kundi sa buong kapaligiran; kung kaya’t matindi ang panawagan sa lahat na makiisa sa ganitong mga gawain.  Napakalaki rin ng magagawa ng disiplina sa sarili, kabilang na ang pagiging responsable hindi lamang sa pagtatapon ng basura, kung hindi maging sa paggamit ng mga pang-araw-araw na produkto na kadalasa’y napupunta sa mga waterways at nauuwi sa dagat.

15total visits,2visits today

Add Comment