Pagpapatatag ng Magandang Ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at mga Pribadong Institusyon

Pagpapatatag ng Magandang Ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at mga Pribadong Institusyon

(Mula sa kaliwa) Kon. Vincent Amposta, Kon. Exequiel Ropeta, Jr., Mr. Marx Nicholai Delmo, City Vice Mayor Arnel M. Cantimbuhan, Senator Bam A. Aquino, City Mayor Emmanuel L. Maliksi, SK Federation President Joshua Guinto, Kon. Dennis Lacson, Kon. Raymond Arguelles at Kon. Argel Reyes

Paglalahad ni Mayor Maliksi ng mensahe at tugon ng Pamahalaang Lungsod sa mga pangangailangan at isyu ng mga business owner

Imus Sports Complex – Noong ika-30 ng Hulyo isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng Imus Economic and Investment promotion Unit (IEIPU) ang ikalawang Imus City Business Summit sa temang “The City and the Private Sector: Connected Efforts, Competitive City!”

Ito ang pinakamalaking pagtitipon ng mga pribadong institusyon at kompanya sa Lungsod ng Imus kung saan humigit kumulang 300 ang mga kinatawan na dumalo kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa lungsod.

Ang nasabing programa ay naglalayong patatagin ang magandang ugnayan ng Pamahalaang Lungsod at ng mga pribadong institusyon. Kabilang na dito ang pagpapahayag ng mga programa ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng negosyo at pagpapalawak ng kaalaman ng mga negosyante.

Paggawad ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ng Plaque of Appreciation kay Sen. Bam A. Aquino bilang guest speaker ng ikalawang Business Summit ng lungsod.

Dumalo rin dito bilang guest speaker si Senator Paolo Benigno “Bam” A. Aquino IV na siyang may akda ng Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act. Layunin nito na mapatatag ang sektor ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) sa pamamagitan ng paghahain ng mga insentibo at higit na oportunidad para sa pagsasaayos at pagpapaunlad ng pagnenegosyo ng mga mamamayan.

Nagsilbi ring daan ang Business Summit para maipahayag ang mga isyung kinakaharap ng mga institusyon at ang tugon ng pamahalaan para maisaayos ito. Sa ulat ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, kanyang inilahad ang mga paraang isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod upang mapabilis ang transaksyon ng application at renewal ng business permit at iba pang mga pangangailangan at hinaing ng mga namumuhunan sa lungsod. Kabilang dito ang isyu sa trapiko, imprastraktura, fees at charges, basura, kapayapaan at kaayusan, information dissemination, preservation of industrial peace at iba pang tulong na maibibigay ng pamahalaan.

Panunumpa ng mga bagong opisyales ng Imus City Chamber of Commerce and Industry, Inc.

Hinikayat din ng alkalde ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor para sa higit na ikaaayos at ikauunlad ng lungsod.

Nanguna rin si Mayor Maliksi sa panunumpa ng mga bagong talagang opisyales ng Imus City Chamber of Commerce and Industry, Inc. kasama ang kanilang presidente, Bb. Jennifer Z. Ramos.

Bahagi rin ng programa ang signing of Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at Board of Investments at ang talakayan sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na pinangunahan ni Atty. Atty. Mayeth C. Rada ng Bureau of Internal Revenue (BIR) District Office – 54A.

Signing of Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at Board of Investments.

Ang TRAIN Law ay naglalaman ng mga rebisyon ng National Internal Revenue Code of 1997 o Tax Code. Nakasaad din dito ang ilang mga pagbabago sa pagbubuwis kabilang na ang personal income tax (PIT), estate tax, donor’s tax, value added tax (VAT), documentary

Paggawad ng sertipiko kay Atty. Mayeth C. Rada ng BIR.

stamp tax (DST) at excise tax.

Sa kabuuan, malaki ang ambag ng mga kompanya sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng lungsod. Nagbibigay rin ito ng oportunidad sa mga mamamayan na magkaroon ng trabaho at sapat na pagkakakitaan na makakatulong sa kani-kanilang pamilya.

Sa tulong ng mga ganitong programa, higit na napagtitibay ang magandang ugnayan ng Pamahalaang Lokal at ng pribadong sektor para sa higit na ikauunlad at ikagaganda ng Lungsod ng Imus at para sa kapakanan ng bawat mamamayang Imuseño.

 

181total visits,1visits today