OctOVERLOAD: Oktubreng Overloaded sa Saya’t Serbisyo

OctOVERLOAD: Oktubreng Overloaded sa Saya’t Serbisyo

Niña Pauline L. Tapawan/Eliseo Taparan

Ipinagdiriwang ng Lungsod ng Imus ang ika-241 na taon ng pagkakatatag nito ngayong buwan ng Oktubre kasabay ng kapistahan ng Nuestra Señora del Pilar.

Maraming programa ang inihanda ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi at ng City Tourism and Development Office sa pamumuno ni Atty. Doris J. Ensomo kaagapay ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno naman ni Hon. City Vice Mayor Arnel “Ony” M. Cantimbuhan.

Masayang sinimulan ang buwan ng Oktubre sa pagbubukas ng Fudtripan sa Imus na dinayo ng daan-daang Imuseño.

Kasunod nito, ipinagdiwang din ang Senior Citizens Week mula sa ikatlong araw ng Oktubre hanggang sa ika-siyam. Naging mas makulay ang selebrasyon sa isinagawang Senior Citizen Motorcade sa lungsod at Sports Tournament (Bowling) sa Robinsons Place Imus.

Para din sa kasiyahan ng mga kasamahan sa Halfway House, ang Pamahalaang Lungsod ay nagbukas ng Tiangge sa CityMall Anabu na dinayo din ng mga kapwa Imuseño.

Patuloy din ang pagsasagawa ng medical at optical mission kaagapay ang iba’t ibang organisasyon sa lungsod. Sinundan ito ng Singing at Cultural Dance Contest, Ballroom Dancing at Recognition of Centennarian na kung saan ginawaran ang mga may edad 100 pataas ng Php 100,000.00 ng Pamahalaang Lungsod bilang tulong sa kanilang mga pangangailangan.

Isa din sa tinututukan ng pamahalaan ang pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan nito na nagbunga sa pagpapatuloy ng job fair sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO).

Hindi din nagpahuli ang mga Imuseño sa pagpapakita nito ng anking talento sa pagsariwa sa sayaw na Bakte na nagmula mismo sa Lalawigan ng Cavite. Ito ay dinaluhan ng humigit kumulang 300 Imuseño na nakiindak sa Bakte-an sa Plaza.

Tradisyunal din na isinasagawa taun-taon ang karakol ng bayan kabahagi si Mayor Maliksi, Congressman Alex “AA” Advincula,

Bakte-an sa Imus City Plaza

Sangguniang Panlungsod, mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod at iba’t ibang mga organisasyon sa Imus.

Umaapaw din ang kasiyahan sa isinagawang Musikahan Session at Fiesta Kasiyahan sa Imus City Plaza kasama ang mga grupo at indibidwal na nagbahagi ng kani-kanilang talento sa pagsayaw at pagkanta.

Bagamat patuloy ang industriyalisasyon sa lungsod, kabilang pa din ang agrikultura sa binibigyang pansin ng pamahalaan buhat sa malaking kontribusyon nito sa lungsod at sa mga mamamayan. Ilan sa mga programang isinagawa ang Farm Business School, Livelihood Seminar on Mango Processing at Farmers Day Celebration. Kaagapay ng Pamahalaang Lungsod ang City Agricultural and Services Office at Farmers Information and Technology Services (FITS) Center.

Pinangunahan din ng butihing alkalde ang isinagawang Maliksing Kasalan sa Imus Sports Complex noong Oktubre 14, 2016 kung saan tinampukan ng 50 na bagong kasal.

Mga ginawaran sa katatapos lamang na Gawad Parangal 2016 kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod at mga kawani ng tanggapan

Ngayong buwan itinakda rin ang appearance para sa Mobile Passporting na pinangunahan ng PESO sa Activity Area ng Robinsons Place Imus.

Kabilang din sa mga programa ngayong buwan ang ika-28 Gawad Parangal kung saan kinilala ang mga Imuseño na may natatanging kontribusyon sa patuloy na umuunlad na lungsod ng Imus. Ito ay isinagawa noong ika-15 ng Oktubre sa City of Dreams Grand Ballroom.

  • Licerio C. Topacio Award: Hon. Erineo “Ayong” S. Maliksi
  • Adopted Son of Imus: Fernando Zobel de Ayala
  • Juan S. Castañeda Award – in the Field of Music: Ariel S. Constantino
  • Pantaleon Garcia Award – Outstanding Teacher (I.P.E.S.): Anicia G. Cueno
  • Cayetano P. Topacio Award:
    • Outstanding Junior High School Student (DPA) – Gillian Jehna F. Malinis
    • Outstanding Junior High School Student (INHS) – Alvin James B. Magno
    • Outstanding Elementary Pupil (Benedictine Institute of Learning) – Helaena Criah A. Lobren
    • Outstanding Elementary Pupil (IPES) – Alyzza Peach M. Solis

Isa din ito sa pinakamahalagang yugto ng selebrasyon ngayong buwan dahil dito pinaparangalan ang mga taong nasa likod ng tagumpay ng lungsod.

Kabilang sa mga pinarangalan si G. Fernando Zobel de Ayala na kinilalang Adopted Son of Imus buhat sa kontribusyon nito sa maunlad ekonomiya ng lungsod na nagbigay daan upang ang imus ay kilalanin bilang 2nd Most Competitive Component City in Economic Dynamism Pillar sa buong bansa.

Ginawaran din si G. Ariel S. Constantino ng Gen. Juan S. Castañeda Award sa kontribusyon nito sa larangan ng musika gayundin si Gng. Anicia G. Cueno ng Imus Pilot Elementary School (I.P.E.S.) para sa Gen. Pantaleon Garcia Awardee bilang Outstanding Teacher.

Kinilala din ang mga mag-aaral ng elementarya bilang Gen. Cayetano P. Topacio Awardees na sina Helaena Criah A. Lobren at Alyzza Peach M. Solis. Kasama dito ang mga mag-aaral ng sekondarya na sina Gillian Jehna F. Malinis at Alvin James B. Magno na pawang kinilala din sa nasabing patimpalak.

Isa sa itinampok din ang pinakamataas na parangal, ang Gen. Licerio C. Topacio Award na iginawad kay Former PCSO chairman at dating kongresista ng lungsod at gobernador ng lalawigan, Hon. Erineo “Ayong” S. Maliksi.

Sa pahayag ng alkalde, ipinagmalaki niya na ang lungsod ay matatawag na City of Remarkable Individuals buhat sa mga Imuseñong patuloy sa paghahatid ng serbisyo publiko at pagsusungkit ng iba’t ibang pagkilala sa kanilang mga larangan.

Tunay na ang bawat isa ay larawan ng tagumpay at dedikasyon sa kanilang minimithing kinabukasan.

“Today, we live in a time of rapid and profound change on many levels, and it is important that Imuseños recognize and acknowledge the complexity and pressures of public service in the times of promises of progress and development. For that, the City of Imus is truly blessed to have each and every one of you as our partners to success,” pahayag ng alklade.

Sa pahayag din ni Igg. Ayong Maliksi, ipinahayag niya na ang importansya ng paninidigan at pakikisama na siyang naging pundasyon niya para sa pagiging isang tunay na serbisyo publiko.

Aniya, “Pakikisama at paninindigan, ito ang mga prinsipyong hindi dapat mawala sa ating mga Imuseño.”

Dinaluhan naman ng daan-daang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ang Kabataan Caravan na pinangunahan ng Red Cross, Youth Affairs Unit at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Noong Oktubre 19 binuksan din ang Butterfly Garden at Charcoal Briquetting Facility sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) kasabay ng Wall Mural Contest na nilahukan ng iba’t ibang mag-aaral sa bawat paaraalan sa lungsod.

Sinundan ito ng pagbubukas ng bagong Satellite Office sa The District Imus, Go Negosyo Center at Trade Fair Featuring the Imus Products kasunod ng panunumpa ng mga namumuno sa Imus Association of Micro, Small and Medium Enterprise (I AM SME). Ang programang ito ay naging posible sa pangunguna ng Local Economic and Investment Promotion Office (LEIPO).

Kaagapay din ng Pamahalaang Lungsod ang Youth Affairs Unit sa pagsagawa ng IMUSt 101: Role of Youth in the Corporate World sa ating Multipurpose Hall noong ika-21 ng Oktubre.

Bawat kooperatiba sa lungsod ay nakibahagi din sa Book Launching at Awards Night na pinangunahan ng City of Imus Cooperative Development Office (CICDO) noong Oktubre 21, 2016 sa Imus Sports Complex.

Bahagi din ng isang buwang pagdiriwang ang ikatlong IMUSt Run sa The District Imus sa tulong ng United Runners of Cavite (URC) at OctoverPETSival sa pakikipagtulungan ng City Veterinary Office na isinagawa noong Oktubre 22, 2016.

Patuloy din ang pagbibigay ng saya sa mga kabataang Imuseño ng City Parks and Historical Sites Administration Unit sa tulong ng ating Dancing Statue at Trick or Treats bilang paggunita sa All Souls Day sa Imus City Plaza.

Hindi din nagpahuli ang Imus Vocational and Technical School (IVTS) sa kanilang isinagawang Search for Mr. and Ms. IVTS noong Oktubre 26 sa Imus Sports Complex.

Bilang pagtatapos sa taunang selebrasyon, pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang Bloodletting sa Activity Area ng Robinsons Place Imus noong ika-30 ng Oktubre, 2016.

Lubos ang pasasalamat ni Mayor Maliksi sa suporta ng mga Imuseño at mga turista sa bawat programa ng Pamahalaang Lungsod ngayong buong buwan ng Oktubre.

“Hindi magiging posible at matagumpay ang ating OctOVERLOAD kung hindi sa tulong at pakikiisa ng bawat Imuseño. Masaya din tayo sa naging resulta ng ating isang buwang pagdiriwang dahil nakita natin ang tuwa sa bawat taong lumalahok sa ating mga inihandang programa”, pahayag ng alkalde.

Tunay na ang Oktubre sa lungsod ay overloaded sa saya at serbisyo na taun-taong pinagsisikapan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

 

311total visits,1visits today

Add Comment