OctOVERLOAD 2019: Oktubreng Overloaded sa Saya’t Serbisyo

OctOVERLOAD 2019: Oktubreng Overloaded sa Saya’t Serbisyo

Overloaded sa saya’t serbisyo ang buwan ng Oktubre sa pagdiriwang ng Lungsod ng Imus ng ika-224 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito kasabay ng selebrasyon ng Kapistahan ni Nana Pilar.

Tinagurian ang buwan ng Oktubre bilang Service Month sa lungsod na naghatid ng masaya at nag-uumapaw na mga programa sa pangunguna ng City Tourism and Development Office kaisa ang iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Ang taunang pagdiriwang ay opisyal na binuksan noong ika-1 ng Oktubre sa selebrasyon ng Senior Citizen’s Week kasama ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Imus Senior Citizens Associations Inc. (IMUSCAI). Tampok dito ang mga programa para sa mga senior citizen kabilang na ang pagbubukas ng Wellness Bazaar. Nakisabay at nakiindak din sa mga tugtugan ang mga senior citizen sa Forever Young: Seniors Prom Retro Dance Party. Sa mga epektibong programa at serbisyo na inihahatid ng pamahalaan, tunay na sa Imus bida si lolo at lola!

Kabilang din sa dinarayo sa lungsod ang mga masasarap na pagkain at inumin mula sa 25 stalls sa Food-ibig sa Imus na opisyal na binuksan noong ika-4 ng Oktubre kasama sina City Mayor Emmanuel L. Maliksi at Miss Philippines Tourism Worldwide 2019, Camille Ang.

Aktibo rin ang Pamahalaang Lungsod sa mga programa nito sa agrikultura sa pangunguna ng City Agriculture and Services Office. Bahagi nito ang taunang selebrasyon ng Farmer’s Week kung saan nakiisa ang mga Imuseño sa isinagawang Training on Mushroom Production at maging ang mga pampublikong paaralan sa Imus sa pagsasagawa ng Organikong Gulayan sa Paaralan at Agri-Eskwela Caravan.

Ibinida rin ang mga lokal na produkto sa Cavite sa Agricultural Trade Fair noong ika-7 hanggang 9 ng Oktubre sa SP Parking Lot.

Daan-daang Imuseño at deboto naman ang nakiisa sa taunang Karakol noong Oktubre 11 na isa sa mga highlight ng isang buwang pagdiriwang. Makulay din ang pagdiriwang ng Kapistahan ni Nana Pilar at selebrasyon ng kaarawan ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi noong ika-12 ng Oktubre sa handog nitong Fun-tastic Night Variety Show sa Imus City Plaza.

Kasabay din nito ang pagdiriwang ng Ospital ng Imus (ONI) ng isang taong anibersaryo tampok ang iba’t ibang programa upang higit na maisulong ang magandang kalusugan at maayos na pangangatawan ng mga mamamayan. Nagbahagi rin ang ONI ng discounts para sa ilang laboratory services nito.

Bilang Laboratory Cooperative Capital of the Philippines, patuloy ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO) sa pagpapaunlad ng kooperatibismo sa lungsod. Bahagi nito ang EK Financial Literacy Festival, 2019 Coop Awards Night at ang kauna-unahang Women’s Coop Summit kasama si Sen. Risa Hontiveros bilang guest speaker.

Ilang serbisyo at programa rin ang inihandog sa mga mamamayan kabilang na ang Mobile Passporting (Appearance Day), ALPAS Music Festival, IMUSt Run 6, Mega Job Fair, Maliksing Kasalan, Sayaw Bakte Interschool, International Day for Disaster Risk Reduction Celebration, EFQuality Fashion Show, Bloodletting Activity at Trick or Treat.

Nakitakbo at nakisaya rin ang mga alagang hayop sa pagdiriwang ng OctoberPETStival sa pangunguna ng City Veterinary Services Office noong ika-19 ng Oktubre sa Imus Sports Complex. Dito nakapagbahagi ng libreng serbisyo, katulad ng bakuna, spay at neuter, check-up at deworming sa mga aso, pusa at sa iba pang alagang hayop.

Itinampok naman ang iba’t ibang alagang hayop sa Pet Race sa Imus City Plaza. Ang color coded lucky bones ay bagong atraksyon sa mga fury parents at sa kanilang mga alagang hayop na siyang nagsilbing ticket sa grand raffle draw ng programa: 200 white bones (small breed) para sa 1.5 km, 150 red bones (medium breed) naman sa 3 km at 50 blue bones (large breed) sa 5 km.

Sa isinagawang 5 km human race, itinanghal si Gilbert Rutaquio bilang 1st place, at sina Jackson Kiprotich Chirchir, at Jerry Vassquez, bilang 2nd at 3rd place winners.

Sa tulong ng mga sponsor, overloaded din ang freebies, at mga murang halaga na accessories at pet food. Nagpalaganap naman ng kaalaman ang Petdentity tungkol sa kahalagahan ng pet micro-chipping. Namahagi rin ito ng limang (5) microchips na nagsisilbing permanent identification card para sa proteksyon ng mga alagang hayop, at pet passport, isang opisyal na dokumento ng alagang hayop na maaring magamit sa local at international pet travel.

Ang pakikiisa at patuloy na pagsuporta ng mga mamamayan, gayundin ang kanilang pagtingkilik sa bawat programa at adbokasiya ng Pamahalaang Lungsod ang higit na nagbigay ng saya at kulay sa isang buwang pagdiriwang ng OctOVERLOAD sa Imus.

702total visits,1visits today

Add Comment