NDPR Week, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

NDPR Week, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Pagsasagawa ng Capacity Building sa mga opisyales ng barangay para sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa mga PWD

Pagbibigay ng mensahe ni Mr. Allendino Sastre, OIC-Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa mga dumalo sa programa.

Tuwing buwan ng Hulyo nakikiisa ang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa temang, “Kakayahan at Kasanayan Para sa Kabuhayan Tungo sa Kaunlaran” sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

Ang NDPR Week ay malawakang pagdiriwang ng bansa upang maitaas ng kamalayan ng mga mamamayan sa mga isyu ng kapansanan at mahikayat ang publiko na maging kabahagi sa pagbibigay ng kasagutan sa mga isyung nito.

Layunin din ng pagdiriwang na ito na mabigyan ng oportunidad ang mga person with disability (PWD) at maipamalas ang kanilang husay at kakayahan.

Nais din ng Pamahalaang Lungsod na sila ay maging katuwang sa patuloy na pagpapaunlad ng lungsod at maging kabahagi sa pagsasagawa ng mga programa para sa mga mamamayang Imuseño.

Capacity Building for Barangay Officials on PWD Services kasama si Bb. Adora Del Mundo bilang resource speaker.

Tampok sa pagdiriwang na ito ang Capacity Building para sa mga opisyales ng bawat barangay para sa paghahatid ng mga serbisyo sa mga PWD. Pinangunahan din ng PDAO ang pagsasagawa ng seminar patungkol sa mga isyu ng Adolescent Health at Reproductive Health, Dalaw SPED at storytelling activity.

Sa isang linggong pagdiriwang ng NDPR Week, maipapamalas ang mahahalagang kontribusyon ng mga PWD sa lipunan. Ipinapakita rin dito ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor tungo sa patuloy na kaunlarang tinatamasa ng Lungsod ng Imus.

Ang pagpapahalaga sa sektor ng PWD ay hindi lamang natatapos sa isang linggong selebrasyon. Aktibo ring nakikibahagi ang PDAO sa pagsasagawa ng mga programa ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan ng mga PWD. Ilan sa mga programa ang taunang pamamahagi ng Educational Assistance bilang tulong sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral at ang pagsasagawa ng Speciabilities tampok ang Imusikapansanan na nagpapamalas ng talento ng mga PWD sa pagsayaw at pagkanta.

Sa mga susunod na taon inaasahan na higit na pasasayahin ang NDPR Week at palalawakin pa ang mga natutulungan ng bawat programa nito.

13545total visits,68visits today