Mga Pampublikong Pasilidad para sa mga Imuseño, Pinasinayaan

Mga Pampublikong Pasilidad para sa mga Imuseño, Pinasinayaan

Groundbreaking Ceremony ng itatayong City Government Center at City of Imus Coliseum

Noong ika-12 ng Oktubre opisyal na binuksan sa publiko ang Ospital ng Imus sa Barangay Malagasang I-G para sa tuloy-tuloy at abo’t kayang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayang Imuseño.

Ang Ospital ng Imus ay sinimulang itayo noong taong 2014 sa tulong ng lupa mula kay Congressman Alex “AA” L. Advincula na nasa 30,000 sq. m. at pondo mula sa DOH Regional Office IV-A.

Kasama sa mga nagsaayos ng preparasyon nito ang binuong technical working group sa pangunguna ni Congressman Alex “AA” L. Advincula, City Mayor Emmanuel L. Maliksi, former City Vice Mayor Mandy I. Ilano, City Health Officer Ronaldo I. Calingasan, City Engineer Christian Mervin Sarno, City Architect Roel Saquilayan, Engr. Elmer Caguicla, Ms. Nahney Alce at Dr. Edgardo R. Figueroa.

Ito ang kauna-unahang pampublikong ospital sa Lungsod ng Imus na tutugon sa mga pangangailangang medikal ng mga residente. Ito ay binubuo ng 20 doktor, 25 nurses at 15 consultants, kabilang ang mga espesyalista sa iba’t ibang larangang pangkalusugan.

Pagbubukas ng Ospital ng Imus sa Barangay Malagasang I-G

Ang Ospital ng Imus ay mayroon ding 22 wards, 19 private rooms, 130 patient beds, limang (5) doctor rooms at ilang medical service at personnel rooms. Ang three-story building na ito ang siyang patunay sa maigting na pagnanais ng Pamahalaang Lungsod na matulungan ang mga mamamayan, lalong higit ang mga walang kapasidad para makapagpagamot sa mga pribadong ospital.

Kasabay ng pagbubukas ng pampublikong ospital sa lungsod ay ang groundbreaking ceremony ng City Government Center at City of Imus Coliseum, gayundin ang pagpapasinaya ng bagong track oval at grandstand.

Unveiling ceremony ng bagong Grandstand at Track Oval.

Ang itatayong City Government Center ay isa sa mga legacy projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi na siyang magsisilbing bagong tahanan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Ito ay may laki na limang (5) hektarya at nagkakahalaga ng Php 1.4 bilyon.

Sa taong 2021, inaasahang matatapos ang konstruksyon at sa darating na 2022 magsisimula ang operasyon ng nasabing pasilidad.

Bukod sa modernong disensyo nito, ang bagong government center ay matatawag ding environmental-friendly, mula sa materyales hanggang sa paggamit ng solar energy sa operasyon nito.

Malaki rin ang magiging ambag ng itatayong Coliseum at ang pagbubukas ng grandstand at track oval sa Barangay Malagasang 1-G. Bukod sa larangan ng sports, magagamit din ito sa ibang malalaking programa na isasagawa ng Pamahalaang Lungsod.

Ang mga proyektong ito ay nakasentro sa pangangailangan ng mga mamamayan at sa paghahatid ng higit na epektibo, maayos at agarang serbisyo sa mga Imuseño.

40total visits,1visits today