Mass Testing sa Pamilihang Bayan, Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Mass Testing sa Pamilihang Bayan, Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Isinagawa noong ika-18 at 19 ng Hulyo ang malawakang Covid-19 testing sa Pamilihang Bayan ng Imus bilang bahagi ng hakbang ng Pamahalaang Lungsod sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa.

Ang isinagawang Covid-19 testing ay mula sa 3,500 rapid test kits na donasyon ng Project Ark Go Negosyo, GT Foundation at LBC Express Inc. Naging katuwang din ng pamahalaan ang City Health Office, Ospital ng Imus at Economic Enterprise and Management Office para sa pagsasagawa ng programa.

Dito, sumailalim ang 1,600 market tenants, vendors, ambulant vendors at maging mga tricycle at jeepney drivers ng Imus Public Market.

Sa tala, 10 dito ay nagpositibo at agad na isinailalim sa RT-PCR o swab test sa City of Imus Molecular Laboratory. Mula sa isinagawang test, lima (5) dito ay mga kompirmasong kaso. Agad ding ibinigay ang mga pangangailangang medikal ng mga pasyente at isinagawa ang contact tracing upang maagapan ang pagkalat ng Covid-19 mula sa mga nakompirmang kaso.

Mahalaga ang pagsasagawa ng mass testing sa mga pampublikong pamilihan bilang ito ay isa sa mga madalas na pinupuntahan ng mga mamamayan. Nararapat lamang na masigurong ligtas ang bawat mamimili gayundin ang nagtitinda at sinumang magsasagawa ng transaksyon sa nasabing pasilidad.

Ang mabilis na pagtukoy sa mga kompirmadong akso ay mahalagang bahagi upang agad itong ma-isolate at maiwasan na makahawa pa ng iba.

Bukod sa mass testing, regular din ang pagsasagawa ng disinfection at sanitation sa bawat pamilihang bayan katuwang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO), General Services Office (GSO) at City Engineering Office.

Patuloy din ang implementasyon ng health at safety protocols sa mga papasok sa pamilihan. Dumaraan din ang mga ito sa decontamination tent na matatagpuan sa mga entry points.

Ang mga decontamination tents na ito ay ginagamitan ng organic chemicals na FDA approved upang makasiguro na ito ay ligtas gamitin ng bawat mamamayan.

Ito ay ilan lamang sa mga pamamaraan ng pamahalaan upang maiwasan ang pagdami ng kompirmadong kaso ng Covid-19 sa lungsod, at patuloy na makapagbigay ng agarang atensyong medikal sa mga nangangailangan nito.

25total visits,1visits today

Add Comment