Masidhing Paghanga Award ng DILG nakamit ng Imus

Masidhing Paghanga Award ng DILG nakamit ng Imus

Ika-8 ng Nobyembre 2018 – Isa na namang karangalan ang nakamit ng Lungsod ng Imus sa larangan nang mabuting pamamahala.

Ginawaran ng Department of the  Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan ng Imus ng Masidhing Paghanga Award para sa pagkilala sa mga kontribusyon nito at sa mahusay na implementasyon ng Performance Challenge Fund (PCF) Program ng naturang tanggapan.

Ang PCF ay isang incentive fund na ibinibigay sa mga local government unit (LGU) para magsilbing dagdag pondo sa mga high-impact capital investment projects na pinaglalaanan ng budget ng LGU sa kanilang Annual Investment Plan (AIP).  Sa Imus, kabilang sa ganitong uri ng proyekto ang bagong gusali para sa Imus Vocational and Technical School (IVTS) na natapos at pinasinayanan ngayong taong 2018.  Layunin ng PCF Program na panatilihing naka-angkla ang mga programang pangkaunlaran ng mga lokalidad sa agenda ng national government.  Isa rin ito sa mga pribilehiyong nakukuha ng isang LGU matapos itong mabigyan ng Seal of Good Local Governance (SGLG) kaya naman indikasyon din ng maayos na pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng PCF.

“Asahan ninyo ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga programa ng DILG at sa patuloy na paghahatid ng epektibong lingkod sa bawat mamamayang Imuseño,” pahayag ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi.

Dagdag ang pagkilalang ito ng DILG sa mga iba pang parangal na tinanggap ng pamahalaang lungsod para sa taong ito.  Nagsisilbi silang patunay na ang dedikasyon sa serbisyo ng mga namumuno sa Lungsod ng Imus ay nagbubunga ng malinaw na pag-unlad, hindi lamang ng mga imprastraktura at serbisyo, kundi maging ng kalidad ng kabuhayan ng mga Imuseño.

 

285total visits,1visits today