Masaya at Makulay na Selebrasyon ng Paskuhan sa Imus

Masaya at Makulay na Selebrasyon ng Paskuhan sa Imus

Mas pinakulay at higit na pinasaya ang buong buwan ng Disyembre sa selebrasyon ng Paskuhan sa Imus.

Mula sa mga naggagandahang palamuti at kumukutikutitap na ilaw sa Imus City Plaza, at masasarap na pagkain sa Food-Ibig sa Imus, siksik din ang buwan ng Disyembre ng mga programa na tiyak na kagigiliwan ng mga mamamayan.

Sa pagbubukas ng pagdiriwang noong ika-3 ng Disyembre, sabay-sabay na inilawan ang buong Imus City Plaza, dagdag pa rito ang saya na handog ng variety show at fireworks display. Ipinamalas din ang husay ng bawat paaralan sa lungsod sa paggawa ng Christmas Village, na bukod sa makukulay ay eco-friendly rin.

Nagsama-sama rin ang mga guro at opisyales ng Imus City Schools Division Office para sa kanilang DepEd Night “Christmas Fantasy” noong Disyembre 6.

Nag-uumapaw din ang saya ng mga bata sa isinagawang storytelling at gift giving activity ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi noong Diyembre 8 sa Imus City Plaza bilang pamaskong handog niya at ng kanyang pamilya sa mga kabataang Imuseño. Kasabay ding ipinagdiriwang sa araw na ito ang kapistahan ng Immaculate Conception kung saan ginanap ang Marian Procession na taunang isinasagawa.

Dinagsa naman ang pagbubukas ng Dakki Holiday Big Sale noong ika-14 ng Disyembre sa Imus City Plaza, kung saan maaaring makabili ng mga murang panreglo sa Pasko.

Hindi rin nagpahuli ang mga talentadong Pinoy na nagpakita ng kanilang husay sa pag-awit sa Tanghalan ng Kampeon noong Disyembre 15 na sinundan ng Fire Dance Exhibition noong Disyembre 16 sa Imus City Plaza.

Bukod sa mga programa para sa kapaskuhan, ginunita rin noong Disyembre 17 ang kamatayan ng 13 martyr sa isinagawang Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Lungsod.

Masaya ring nag-uwi ng mga premyo ang ilang Imuseño mula sa BasuRaffle Grand Draw noong Disyembre 20, kung saan pinalitan ng raffle tickets ang kanilang mga dalang nareresiklong basura.

Sa pangunguna naman ni Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan at kanyang pamilya, isinagawa ang storytelling at gift giving activity noong ika-21 ng Disyembre. Ito ay sinundan ng pagpapamalas ng talento ng mga Imuseño sa Grand Finals ng Imus Got Talent sa Imus Sports Complex.

Bilang pagtatapos ng selebrasyon, hinarana ng Imus Youth Symphonic Band Batch ’83 ang mga Imuseño sa Imus City Plaza para sa kanilang Christmas Concert noong ika-22 ng Disyembre.

Ang isang buwang selebrasyon ay taunang isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus upang makapaghatid ng ngiti sa bawat mamamayan. Higit din na magiging makulay ang pagdiriwang na ito kung isasabuhay ng bawat mamamayan ang tunay na diwa ng Kapaskuhan, ang pagbibigayan, pagmamahalan at pagkakaisa.

26total visits,1visits today