Makasaysayang Wagayway Festival, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Makasaysayang Wagayway Festival, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Tampok ang mga masasayang aktibidad sa pagdiriwang ng Wagayway Festival ngayong buwan ng Mayo sa Lungsod ng Imus.

Hindi mawawala sa kasiyahan ang iba’t ibang pagkain mula sa Food-Ibig sa Imus na patok at dinarayo ng ibang mga taga-karatig bayan.

Noong ika-19 ng Mayo, nakisaya rin ang iba’t ibang sikat na banda sa Uprising Concert. Hindi naman nagpahuli ang ibang local bands sa pag-awit ng kanilang mga sariling komposisyon at mga kilalawang awitin.

Para sa mga fitness enthusiast at professional runners, mayroong 55k Ultra Marathon na nagsimula noong May 19 sa Imus City Plaza at Run for the Flag 4 noong May 27 sa The District Imus para sa 5K at 10K run.

Makulay ang opisyal na pagsisimula ng Wagayway Festival noong ika-21 ng Mayo para sa makasaysayang Banderada: Wagayway Flag Parade o Parada ng mga Bandera na sinimulan sa Imus City Plaza kaisa ang iba’t ibang tanggapan, ahensya, paaralan at organisasyon. Kasama rin sa pagdiriwang si Bb. Maxine Medina, Bb. Pilipinas-Universe 2016 bilang Inang Laya.

Iwinagayway naman ang mga talento ng mga Imuseño sa HataWatawat Dance Competition kung saan lumahok ang iba’t ibang paaralan ng lungsod. Sa mga limang (5) paaralan na lumahok sa patimpalak, itinanghal ang St. Edward Integrated School bilang 1st Place, Imus National High School-Main bilang 2nd Place at Benedictine Institute of Learning bilang 3rd Place.

Hindi rin nagpahuli ang mga nakatatandang Imuseño kasama ang kanilang mga apo sa “Bida si Lola at Lolo, Sikat si Apo Singing Duo” noong Mayo 24 sa Imus City Plaza. Kinilala bilang nagwagi si Antonio Dalore, Jr. at kanyang apo na si Dianne Angeles ng Cluster 9 sa kanilang awiting Always na nagpahanga sa daan-daang manonood.

Marami ring lumahok at nakiisa sa PhilCloth-Merch Convention Concert kung saan mabibili ang mga damit mula sa mga local brand na matatagpuan sa Cavite.

Patuloy din ang pagsasabuhay ng mga tradisyon noon kagaya ng Lutrina, kung saan pumaparada ang mga naggagandahang dilag ng Imus suot ang kanilang naggagandahang damit.

Noong Mayo 27, bumisita rin sa lungsod ang sikat na hiphop group na Ex-Battalion para sa kanilang concert sa Imus Sports Complex na dinagsa ng mga kabataan.

Bilang pagtatapos ng selebrasyon, ginunita ang Pambansang Araw ng Watawat sa Imus Heritage Park noong ika-28 ng Mayo kasama si Gobernador Boying Remulla. Ito ay sinundan ng blessing at ribbon cutting ng bagong itinayong Gazebo at Press Conference. Isang film showing din ang isinagawa sa Robinsons Place Imus na libreng inihandog ng Pamahalaang Lungsod tampok ang “Bago ang Kalayaan,” isang documentary drama patungkol sa malaking ambag ng Imus sa kasaysayan ng bansa.

Ang pagdiriwang ng Wagayway Festival ay taunang isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod sa ilalim ng pangangasiwa ng City Tourism and Development Office (CTDO) tuwing buwan ng Mayo bilang pagkilala sa kabayanihan at tagumpay ng mga Pilipinong nakipaghimagsik sa Labanan sa Alapan noong Mayo 28, 1898.

472total visits,1visits today