Lungsod ng Imus, Unang LGU sa Philippine Quality Challenge Award

Lungsod ng Imus, Unang LGU sa Philippine Quality Challenge Award

Mula sa kaliwa: SP Secretary Ms. Jemeny Yulo, Kon. Darlon Sayarot, City Vice Mayor Arnel M. Cantimbuhan, City Mayor Emmanuel L. Maliksi, HRMU Head at OIC-City Administrator Ms. Nahney Alce at Kon. Vince Amposta

Ika-5 ng Disyembre 2017 – Kasabay ng ika-dalawampung taong selebrasyon ng anibersaryo ng Philippine Quality Award Foundation, Incorporated (PQAF) sa Midas Tent, Pasay City, ay ginawaran ang Lungsod ng Imus bilang kauna-unahang pamahalaang lokal na nagkamit ng Philippine Quality Challenge (PQC) Award.

Pagbabahagi ni Mayor Maliksi ng best practices ng Imus.

Ang PQC ay isang programa sa pangangasiwa ng PQAF na naglalayong maiangat ang kalidad ng pagbibigay-serbisyo ng pribadong sektor at local government units (LGUs). Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binuksan ang programa para sa mga pampublikong tanggapan.

Sa tatlong LGU na lumahok, tanging ang Imus lamang ang tumuloy sa programa at nagkamit ng patimpalak. Ito ay nilahukan ng Pamahalaang Lungsod sa kagustuhang mas mapahusay pa ang mga proseso at programang kasalukuyang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga Imuseño sa pamamagitan ng paglalapat ng global competitiveness template ng PQA.

Sinuri ng PQC ang performance excellence ng Imus sa mga aspeto ng pamamahala, pagpaplano, pangangalaga sa mga kliyente, mga panukat at pamamahala ng impormasyon, mga kawani at pangkalahatang operasyon.  Nakatulong nang malaki sa pagpasok ng Imus sa PQC ang tamang pagpapatupad nito ng Anti-Red Tape Act, at mabilis at matapat na mga proseso sa ilalim ng Eight-point Agenda na sumasaklaw sa mga programang pangkaayusan, pangkabuhayan, pang-agrikultura, pangkapaligiran, pang-sports at pang-edukasyon.

Sa kanyang mensahe, nabigyan ng pagkakataon si Mayor Maliksi na maibahagi ang best practices ng Imus sa mga nagsidalo sa pagtitipon.  Kabilang dito ang pagkakaroon ng Imus ng mga satellite and extension offices sa mga mall at cluster ng lungsod upang mailapit ang mga serbisyo at maging kombenyente ito sa mga mamamayan; ang mga action center o “COMBO” building na bukas 24/7 para sa pangangalaga ng kaligtasan at kapayapaan ng pamayanan; at ang pagiging tagapagtaguyod ng karapatan at tagapangalaga ng kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng mga programa na tulad ng BIDA KArd at Eskwela Kooperatiba.

Pagtanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ng PQC Award.

Kasunod ng pagbabahagi ni Mayor Maliksi ay ang audio visual presentation nito na nakatuon sa transpormasyon ng Imus at ng buhay ng mga Imuseño. Kabilang sa mga nagbigay ng testimonya ang isang matagal na empleyado ng Pamahalaang Lungsod, Imus Scholars, IVTS graduate at pamilyang natulungan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Sa bagong karangalan at pribilehiyong ito ng Imus, nagkaroon ang lungsod ng bagong katuwang sa patuloy na pagunlad sa pamamagitan ng mas pagpapahusay pa ng mga proseso at paghahatid ng dekalidad na resulta.  Muling binigyang-diin ng alkalde ang kanilang dedikasyon para sa pangunahing layunin ng Pamahalaang Lungsod na mapaganda ang kalidad ng pamumuhay ng mga mamayan sa ilalim ng adbokasiyang “Sa Imus, Importante Ka, Ikaw ang Bida.”

393total visits,1visits today