Lungsod ng Imus, Umani ng Iba’t Ibang Pagkilala ‘Salamat Po’ Award

Lungsod ng Imus, Umani ng Iba’t Ibang Pagkilala  ‘Salamat Po’ Award

Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi at City Social Welfare and Development Officer Ms. Hermana Revilla, RSW kasama ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office Region IV-A

Pagtanggap ng pagkilala ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi at Ms. Hermana Revilla.

Enero 25, 2018 – Masayang tinanggap ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang “Salamat Po” Award na iginawad sa Lungsod ng Imus ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office Region IV-A sa selebrasyon ng ika-67 taong anibersaryo ng ahensya sa temang “Walang Puwang sa Katiwalian ang Paglilingkod nang Tapat sa Bayan (true public service with no space for corruption).”

Ang pagkilalang ito ay iginagawad sa mga tanggapan, institusyon, volunteer at maging non-government organizations (NGOs) na tumutulong sa ahensya sa pagbibigay nito ng social protection services sa mga mamamayan. Sa loob ng ilang taon, patuloy ang paghahatid ng epektibong lingkod ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Lungsod ng Imus sa mga Imuseño sa pamamagitan ng mga programa nito para sa mga mahihirap.

Layunin ng tanggapan na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayang Imuseño sa pagbibigay ng mga tulong pinansyal, pagkukuhanan ng hanapbuhay, proteksyon at maging ilan sa mga pangunahing pangangailangan ng komunidad.

Tumutulong din ang CSWDO sa mga nasalanta ng bagyo at sakuna kasama ang ilang organisasyon at ahensya upang mapabilis ang kanilang pag-ahon sa mga pinsalang naidulot nito sa bawat pamilya.

Ang tema ng selebrasyon ay sumasalamin sa isa sa core values ng ahensya na “serbisyong walang puwang sa katiwalian.” Nasasalamin din dito ang husay, katapatan at propesyonalismo ng mga kawani ng gobyerno na nangangalaga sa integridad ng ahensya.

Recognition for Significant Innovations on ESWM Implementation

Pagkilala sa Pamahalaang Lungsod ng Imus na tinanggap ni Ms. Doris Sagenes ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO)

Noong ika-27 ng Enero, 2018 binigyang parangal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Office at Environmental Management Bureau ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa isinagawang selebrasyon ng ika-apat na taong pagdiriwang ng National Zero Waste Month sa ABS-CBN Tent, Vertis North, Quezon City na may temang “Sustaining Shared Responsibility.”

Ang parangal ay iginawad sa lungsod dahil sa mga natatangi at makabagong proyekto nito para sa Ecological Solid Waste Management.

Tampok sa mga kinilalang programa ang Eko-Operatiba sa pakikipagtulungan sa City of Imus Cooperative Development Office (CICDO) na naghihikayat sa mga kabataan na ipunin ang kanilang nareresiklong basura upang mapalitan ito ng pera na idadagdag sa kanilang  at savings sa Eskwela Kooperatiba. Kasama rin sa kinilalang programa ang BasuRaffle, isang plastic residual waste raffle promo na isinasagawa sa bawat barangay.

City Mayor Emmanuel L. Maliksi, Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan, Sangguniang Panlungsod Members at Ms. Doris Sagenes sa isinagawang programa sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod noong Enero 29, 2018

Patunay lamang ang pagkilalang ito sa patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lokal na panatilihin ang malinis at maayos na kapaligiran sa lungsod. Matatandaan na nagkamit din ang Pamahalaang Lungsod ng Gold Award on Environmental Compliance Audit (ECA) at Silver Award para sa dalawang magkasunod na taon.

Magandang panimula ng taon ang mga parangal na natanggap ng Imus na nagpapakita ng epektibong serbisyo-publiko. Ito rin ay nagsisilbing inspirasyon upang lalo pang paghusayan ng Pamahalaang Lungsod ang pagbubuo ng mga programa para sa kapakanan ng mga mamamayang Imuseño.

1694total visits,9visits today

Add Comment