Lungsod ng Imus, Pinangunahan ang Selebrasyon ng Pambansang Araw ng Watawat

Lungsod ng Imus, Pinangunahan ang Selebrasyon ng Pambansang Araw ng Watawat

Ang mga namumuno sa Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, Vice-Mayor Arnel “Ony” M. Cantimbuhan, Sangguniang Panlungsod Members  at Congressman Alex “AA” L. Advincula – Third District of Cavite  sa selebrasyon ng Pambansang Araw ng Watawat sa Alapan II, City of Imus, Cavite noong Mayo 28, 2017.

 

Ni Niña Pauline L. Tapawan

LUNGSOD ng Imus – Noong ika-28 ng Mayo ipinagdiwang ang Pambansang Araw ng Watawat sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at Pamahalaang Lungsod ng Imus sa makasaysayang Dambana ng Pambansang Watawat (Heritage Park) sa Miguel Santo, Barangay Alapan II-B.

Ito ang simula ng pagdiriwang ng ika-119 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na ipinagdiriwang hanggang ika-12 ng Hulyo sa temang “Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-samang Balikatin.”

Ang programa ay dinaluhan ng humigit kumulang 5,000 katao mula sa iba’t ibang bayan, organisasyon at ahensya sa bansa.

Sinimulan ang programa sa pagtataas ng watawat na pinangasiwaan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at pinangunahan nina Direktor, Ruby Pachoco Muro mula sa Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala – Rehiyon IV-A at Dr. Rene R. Escalante, Komisyoner at Nanunungkulang Tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas kasama si Punong Lalawigan Jesus Crispin Remulla, Kinatawan Alex “AA” L. Advincula, Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, Pangalawang Punong Lungsod Arnel M. Cantimbuhan at G. Cesar EA Virata.

Sinundan ito ng panunumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas ni Dwight N. De Leon ng Alapan I Elementary School at Ma. Sofia C. Ramos ng Imus Pilot Elementary School na kapwa mula sa Boy at Girl Scouts of the Philippines.

Kasunod nito, isinagawa ang simbolikong pag-aalay ng bulaklak ni Direktor Muro sa Monumento ng Inang Laya kasama si Dr. Escalante, saksi ang mga opisyales ng Pamahalang Panlalawigan ng Cavite, Pamahalaang Lungsod ng Imus at Cavite Historical Society.

Sa pambungad na pananalita ni Mayor Maliksi, ipinahayag niya ang kahalagahan ng Labanan sa Alapan sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas.

“Ito ang araw kung saan kinikilala natin ang kadakilaan ng mga Pilipinong nakipaglaban at nakipaghimagsikan para sa kalayaan ng ating bansa. Ang araw na ito ay araw ng tagumpay ng bawat Pilipino at ng bansang Pilipinas.”

“Sa makasaysayang lugar na ito ginanap ang Battle of Alapan, May 28, 1898. Ang tagumpay ng labanang ito ang siyang nagbigay daan sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Dito din unang itinaas at iwinagayway ang ating pambansang watawat na dala ni Hen. Emilio Aguinaldo mula sa Hong Kong.”, dagdag pa ng alkalde.

Kinilala rin ng alkalde ang mga panauhin mula sa sister city ng lungsod sa bansang Korea, ang Yeoncheon City. Una na rito sina Mayor Mayor Kim Kyu-Sun, Councilor Seo Sung Chu at Councilor Jang Ae Jung.

Kabilang din sa delegasyon ang mga namumuno at kinatawan sa iba’t ibang mga departamento, samahan at pribadong institusyon.

Ang pagdiriwang na ito ay taunang ginugunita sa lungsod bilang huling bahagi ng isang linggong selebrasyon ng Wagayway Festival.

Sa mga susunod pang taon, inaasahan na mas palalakihin at pagagandahin ang pagdiriwang na tiyak na dadayuhin pa ng mga turista at taga ibang bayan.

253total visits,1visits today

Add Comment