Lungsod ng Imus: Outstanding LGU

Lungsod ng Imus: Outstanding LGU

Dalainne Pangan | Niña Pauline Tapawan

KINILALA ng Meralco ang Lungsod ng Imus bilang Outstanding Local Government Unit sa katatapos lamang na The Luminaries noong ika-9 ng Marso taong kasalukuyan sa Shangri-La Hotel.

Bunga ng mga epektibong programa, proyekto at serbisyo ng Pamahalaang Lungsod para sa mga Imuseño at mga namumuhunan dito, kasabay ng kapansin-pansing Urban Development ng lungsod ay kinilala ang Imus bilang “The next center of economic action in the South of Manila”. Sa pahayag ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi, ipinarating niya ang kanyang lubos na kasiyahan sa patuloy na pag-ani ng mga natatanging pagkilala hindi lamang sa Cavite at sa rehiyon kung hindi sa buong bansa na rin.

Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi kasama si Mr. Alfredo Panlilio, SVP at Customer Retail Services and Corporate Communications

“Natutuwa ako sa lahat ng mga pagbabagong ito dahil ngayon ay mas nakikilala na ang Imus hindi lamang dito sa ating lalawigan kung hindi sa buong bansa na rin. Gusto namin makilala ang Imus bilang City of the Future,” aniya ng alkalde.

Kasabay ng pagdami ng mga residente sa lungsod ay ang pagdami rin ng mga subdibisyon at kondominyum kasama na rin ang mga pasyalan at malls. Dahil dito, hindi maitatanggi na ang Lungsod ng Imus ay may magandang lokasyon para sa pagsisimula ng negosyo.

Ayon din kay Mayor Maliksi, maganda ang naging bunga ng mabilis na transaksyon at proseso sa pagkuha ng business permit at pagsasaayos ng mga dokumento sa lungsod. Malaki rin ang ambag na suporta ng iba’t ibang sektor lalo na ang Meralco na Energy Partner ng Imus.

Binanggit din ni Mayor Maliksi na isa ang Imus sa mga benepisyaryo ng One Meralco Foundation kung saan nabigyang liwanag ng Meralco ang Sitio Pulo, isang pamayanan sa Barangay Anabu II-C noong isang taon na may 260 benepisyaryo.

Ang parangal na iginawad sa Imus ay sumasalamin lamang sa pagpupursige ng Pamahalaang Lokal na matulungan ang mga mamamayan nito sa pamamagitan ng mga programang huhubog sa kanilang mga kakayahan at talento sa iba’t ibang larangan at patuloy na mag-angat sa antas ng kanilang pagkatao.

Ang The Luminaries ay ang taunang pagkilala na isinasagawa ng Meralco para sa mga Local Government Unit (LGU) at mga ahensya na tumutulong sa pag-unlad ng mga Pilipino at ng buong bansa. Kabilang ang Imus sa tatlong natatanging pinarangalan, mula sa 145 na lungsod sa buong bansa.

6562total visits,4visits today

Add Comment