Lungsod ng Imus, Nakiisa sa Selebrasyon ng NDR Month

 

LUNGSOD ng Imus – Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa selebrasyon ng National Disaster Resilience Month sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para sa buong buwan ng Hulyo sa temang “4Ks: Kamalayan sa Kahandaan, Katumbas ay Kaligtasan.”

Ang programa ngayong taon ay sinimulan sa pamamagitan ng kauna-unahang Junior Medic First Aid Olympics noong Hulyo 29 sa Imus Pilot Elementary School Grounds. Ang programang ito ay naglalayong magbigay ng kaalaman sa mga mamamayang Imuseño tungkol sa First Aid at makapaghatid ng kamalayan sa kahalagahan nito sa panahon ng kalamidad.

Nagsagawa rin ang CDRRMO ng Disaster Preparedness and Survival Expo at Bloodletting Activity noong Hulyo 30 sa Robinsons Place Imus. Kaagapay nito ang iba’t ibang ahensya na kinabibilangan ng Department of National Defense, Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, City Health Office, National Kidney and Transplant Institute at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Tampok sa programang ito ang iba’t ibang kagamitan ng Pamahalaang Lungsod sa mga operasyon na isinasagawa nito tuwing may sakuna. Tinuturuan din ang publiko ng mga paghahandang kailangang isagawa tuwing may kalamidad upang maiwasan ang mataas na porsyento ng pinsalang maidudulot nito.

Pinapahalagahan rin ng pamahalaang lokal ang kalusugan at buhay ng bawat mamamayan. Dahil dito, patuloy ang pagsasagawa ng taunang bloodletting activity, Dugong Alay Ko, Dugtong ng Buhay Mo, na ngayon ay nasa ika-pitong taon na.

Ang National Disaster Resilience Month, na noo’y National Disaster Consciousness Month ay ipinagdiriwang sa buong bansa sa tulong ng mga programang napapaloob sa apat (4) na bahaging tinututukan ng pamahalaan: Disaster Prevention and Mitigation, Disaster Preparedness, Disaster Response at Disaster Rehabilitation and Recovery.

Buhat sa pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa adhikain at mga programa ng nasyunal, kasunod ng maayos na pagpapalakad nito at pagsasagawa ng mga programang tumutulong sa kaayusan at kahandaan ng mga mamamayan laban sa sakuna, muling ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng 2nd Place Gawad Kalasag Award ngayong taon.

Patuloy din ang pagsulong nito ng mga programang naaayon sa mga kinakailangan ng komunidad na magbibigay daan sa isang ligtas, handa at matatag na Lungsod ng Imus.

6873total visits,1visits today

Add Comment