Lungsod ng Imus: Lakas ng Nagkakaisang Imuseño para sa Tuloy-tuloy na Pag-asenso

Lungsod ng Imus: Lakas ng Nagkakaisang Imuseño para sa Tuloy-tuloy na Pag-asenso

Noong ika-30 ng Hunyo ipinagdiwang ng Lungsod ng Imus ang ika-anim (6) na taong anibersaryo ng pagiging lungsod nito sa temang “Lakas ng Nagkakaisang Imuseño para sa Tuloy-tuloy na Pag-asenso.”

Nakasentro ang pagdiriwang na ito sa State of the City Address (SOCA) ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi noong Hunyo 29 kung saan inilahad niya ang mga programang naisagawa sa nagdaang taon, mga proyektong kasalukuyang isinasagawa at mga legacy projects o mga nakaplano pa nitong malalaking proyekto at programa na isasagawa para sa kapakanan ng mga mamamayang Imuseño.

Nakapaloob sa ulat ng alkalde ang programang sumasailalim sa eight-point agenda ng kanyang pamamahala. Ilan sa kanyang mga inilahad na programa ang Wellness Centers para sa mga senior citizen, Eskwela Kooperatiba at BIDA KArd, Cognitive Behavioral Therapy (CBT) Program, Project EMMANUEL, pagsasaayos ng Imus Heritage Park, City of Imus Polytechnic Institute at pagbubukas ng Ospital ng Imus, Dialysis Center at CIADAC Office.

Dinaluhan ang taunang SOCA ng mga opisyales ng lungsod kabilang si Congressman Alex “AA” L. Advincula, Ikalawang Punong Lungsod Arnel M. Cantimbuhan at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Department at Unit Heads at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod.

Kaisa rin sa pagdiriwang ang mga Punong Barangay at mga opisyales nito, Sangguniang Kabataan Chairperson at iba’t ibang sektor at organisasyon sa lungsod kabilang na ang Barangay Health Workers, Child Development Workers, School Heads, Imus Youth Leadership Development Program, Rotaract at Interact of Imus National High School, Maliksing Iskolar, Student Councils, Pilar Lodge No. 15, Servants of God, Kiwanis Pearl of Imus, Rotary Club of Imus, Imus Bankers Association, Imus Chamber of Commerce, Samahan ng mga TODA sa Lungsod ng Imus, IMUSCAI Cluster Presidents, Anti-VAWC Group at mga kinatawan ng pribadong sektor.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang libreng film showing tampok ang “Bago ang Kalayaan: Imus sa Kasaysayan ng Pilipinas” sa Robinsons Place Imus.

Noong ika-30 ng Hunyo binigyang pagkilala naman ang mga natatanging Imuseño na nagbigay ng karangalan sa Lungsod ng Imus sa larangan ng akademya at mga nakapasa sa kani-kanilang licensure examination.

Isa sa mga prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay sa mga mamamayan ng oportunidad na makapagtrabaho. Sa tulong ng Public Employment Service Office (PESO) daan-daang Imuseño ang lumahok at nakiisa sa isinagawang job fair sa CityMall Anabu noong Hulyo 11.

Bukod sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod, nakiisa rin sa pagdiriwang ang mga mall sa lungsod kung saan nagkaroon ng Cityhood Sale noong Hunyo 29 hanggang Hulyo 1.

Sa pagdiriwang ng Lungsod ng Imus ng ika-anim na anibersaryo nasaksihan ang transpormasyon nito mula sa isang makasaysayang lungsod patungo sa City of the Future.

Malaking bahagi ng kaunlaran nito ang pagkakaisa ng mga namumuno na sama-samang tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbababa ng mga makabuluhan at epektibong programa at pagsasagawa ng mga ordinansa at resolusyon na magtataas sa antas ng pamumuhay ng mga kababayang Imuseño.

13514total visits,1visits today