Lungsod ng Imus, Hall of Famer ng SGLG Award

Lungsod ng Imus, Hall of Famer ng SGLG Award

Pagkilala sa Seal of Good Local Governance Award na natanggap ng Pamahalaang Lungsod kasama si Congressman Alex L. Advincula, City Mayor Emmanuel L. Maliksi, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Imus CLGOO G. Ronald A. Mojica at IYLDP Junior Officials sa isinagawang Flag Rasing Ceremony noong Disyembre 4, 2017 sa Imus City Plaza.

Ika-24 ng Nobyembre – Ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa ikatlong taon nito ng Seal of Good Local Governance (SGLG) Award ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) sa isinagawang patimpalak sa The Tent, Manila Hotel.

Ipinahayag ng Officer-in-Charge ng DILG na si G. Catalino Cuy sa kanyang opisyal an anunsyo noong Nobyembre 12, 2017 ang listahan ng mga lokal na pamahalaang pumasa sa kanilang pagsusuri para sa SGLG award.  Kabilang ang Imus sa 61 na lungsod, 28 na lalawigan, at 359 na munispalidad na tumanggap ng pagkilala at umangat mula sa 1,715 local government units (LGUs) na sinala ng Kagawaran.

Pagtanggap ng SGLG Award ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Congressman Alex L. Advincula, Vice Mayor Arnel M. Cantimbuhan at Imus CLGOO G. Ronald Mojica.

Dahil ikatlong taon na ito ng pagtanggap ng Lungsod ng SGLG, pasok na ang Imus sa Hall of Fame ng DILG para sa mga pamahalaang lokal na nagtataguyod ng mabuting pamamahala.

Ang SGLG 2017 sa temang “Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng Pamahalaang Lokal,” ang tumitingin at sumusuri sa pamamalakad ng LGUs sa mga aspeto ng financial administration, kahandaan sa mga sakuna, proteskyong panlipunan at kapayapaan at kaayusan.  Siniyasat din ang estado ng pagnenegosyo sa lokalidad, competitiveness, turismo at kultura, maging ang pangangalaga sa kapaligiran.

Sa Eight-point Agenda ng kasalukuyang administrasyon, daglian at sinisiguro ng pamahalaang panglungsod na natutugunan ang pangangailangan ng mga Imuseño sa tulong ng mga programang pangkaayusan, pangkabuhayan, pang-agrikultura, pangkapaligiran, pang-sports at pangedukasyon. Ilan sa mga ito ay napapaloob at naging positibong puntos din sa criteria ng SGLG.

Sa pagtutulungan ng mga lider na laging On! Sa Serbisyo at may Aksyon Agad, may tumatayong magandang halimbawa at inspirasyon upang ang bawat kawani sa pamahalaang lokal ay maging Epektibong Lingkod Mamamayan. Ang pagkakaisang ito ng nagkakaisang Imus ay naging daan para sa maayos at mahusay na paghahatid ng mga serbisyo publiko hindi lamang para sa pagkilala ng pambansang pamahalaan ngunit para sa patuloy na ikauunlad ng mga Imuseño.

Ang mga LGU na nagkamit ng Seal of Good Local Governance ay tumanggap ng SGLG marker na ipapaskil sa kani-kanilang mga bulwagan kasabay ng incentive mula sa Performance Challenge Fund (PCF) na maari namang gamitin sa iba’t ibang proyektong pangkaunlaran.

Patunay lamang ito sa pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi na paunlarin pa ng husto ang lungsod at mabigyan ng naaayong serbisyo para sa kaunlaran ng bawat mamamayang Imuseño at ng buong Lungsod ng Imus.

291total visits,1visits today

Add Comment