LUNGSOD NG IMUS: 2nd Most Economically Dynamic Component City in the Philippines

LUNGSOD NG IMUS: 2nd Most Economically Dynamic Component City in the Philippines

Niña Pauline L. Tapawan

BUHAT sa mahusay at epektibong paglilingkod sa mga Imuseño, kinilala ang Lungsod ng Imus bilang 2nd Place in Economic Dynamism sa Component CityCategory sa katatapos lamang na 4th Annual Competitiveness Summit and Awards Ceremony ng National Competitiveness Council (NCC) noong Hulyo 14, 2016 sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City.

Sa pahayag ni G. Guillermo M. Luz, Associate Director of Ayala Corporation at Chairman for Private Sector, hinihikayat niya ang bawat isang Local Government Unit (LGU) na magtulungan para sa ikaaangat ng bawat isa at ng buong bansa.

“The challenge I have for those who are in the top of the list, is for LGUs to help each other and for the best to reach out to help those below them so everybody as a country we all move up”, pahayag ni G. Luz.

“Let’s get the best to help the others”, dagdag pa niya.

Sa 1, 389 na bilang ng mga kalahok na lungsod at munisipalidad, kasama ang Imus sa mga nangibabaw at binigyang pagkilala ng NCC.

Mayor Maliksi hawak ang plaque mula sa NCC

Ngayong taon, panibagong pagkilala muli ang dinala ng Pamahalaang Lungsod buhat sa patuloy na pagbibigay serbisyo nito sa mga mamamayan.

Bilang patunay sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng lungsod, mula sa 5, 633 na taxpayers na naitala sa Business One-Stop Shop (B.O.S.S.) umakyat ito sa 6, 499 ngayong taon na nagbunga sa 198, 910, 973.95 na daily collection mula sa 171, 421, 931.56 noong isang taon.

Kasabay nito ang dumadaming negosyo na itinatayo at pagtaas ng bilang ng mga namumuhunan sa lungsod.

Iilan lamang ito sa mga proyektong agarang isinasagawa ng pamahalaang lokal sa pagnanais na maiangat ang antas ng pamumuhay at pagbibigay ng serbisyo sa mga minamahal na Imuseño.

Tunay na ang Imus ay isang replika ng pag-unlad at pagiging aktibo sa pagbibigay ng agarang aksyon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa mga susunod pang taon, inaasahan na patuloy ang lungsod sa pag-ani ng pagkilala hindi lamang sa buong Cavite ngunit sa buong bansa.

Ayon kay Mayor Maliksi, ang tagumpay na ito ay para sa mga Imuseño na patuloy na nagtitiwala sa kakayahan ng Pamahalaang Lungsod.

Binigyang diin niya din na ito ay bunga ng magandang konsultasyon para sa pagbubuo ng isang maayos at magandang plano para sa ekonomiya ng lungsod.

“Nagkakaroon tayo ng tinatawag na consultation sa iba’t ibang sektor sa pamamagitan ng ating mga board council at departments. Dito humihingi tayo ng mga suggestion upang mas mapaganda pa natin yung mga nakahanda nating programa at mga proyekto para sa mga mamamayan sa lungsod”, pahayag ng alkalde.

Ang Regional Competitiveness Summit ay taun-taong isinasagawa ng NCC upang kilalanin ang mga munisipalidad, lungsod at probinsya na maayos na naisasagawa ang kanilang mga tungkulin sa larangan ng imprastraktura, ekonomiya at mabuting pamamahala.

Ito ay isinasaayos sa pamamagitan ng Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) sa pakikipagtulungan ng Regional Competitiveness Committees (RCCs).

232total visits,1visits today

Add Comment