Lungsod ng Imus, 2018 National ADAC Performance Silver Awardee

Lungsod ng Imus, 2018 National ADAC Performance Silver Awardee

Tinanghal bilang Silver Awardee ang Lungsod ng Imus sa katatapos lamang na 2018 National Anti-Drug Abuse Council Performance Award Ceremony noong ika-28 ng Disyembre, 2018 sa Manila Hotel.

Ang Imus ang kaisa-isang lungsod sa Lalawigan ng Cavite na ginawaran sa nasabing patimpalak. Kasama ng lungsod ang 14 pang component cities sa bansa. Kabilang dito ang dalawa (2) pang lungsod sa Region IV-A CALABARZON, ang Lipa City, Batangas at San Pedro City, Laguna.

Bukod dito, ginawaran din ang 21 local government units (LGUs), 21 na lalawigan, 17 highly urbanized cities (HUC) at independent component cities (ICC), at 167 munisipalidad sa bansa.

Masayanamang ng tinanggap ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi, City Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan, Councilor Totie Ropeta, Imus CLGOO Ronald Mojica at CIADAC Member (interfaith group) Jun Tocmo ang parangal na may markang 87.5%.

Ang tagumpay na ito ng lungsod ay bunga ng maayos at epektibong implementasyon nito ng mga programa laban sa ilegal na droga.

Kabilang dito ang malawakang pagsuko ng mga drug users, pagsasagawa ng community-based rehabilitation program (CBRP), pagbuo ng CBRP Manual, malawakang kampanya laban sa ilegal na droga (information, education and communications campaign) at ang Cognitive Behavioral Therapy (CBT) Program, isang makabagong pamamaraan ng rehabilitasyon ng mga drug surrenderer na kung saan sila ay tinuturuan din ng mga teknikal na kaalaman na maaari nilang magamit sa pagtatrabaho at paghahanapbuhay.

Malaki rin ang kontribusyon ng mga barangay sa kanilang tuloy-tuloy na suporta sa mga programa ng Pamahalaang Lokal.

Ang 2018 National ADAC Performance Award ay ang kauna-unahang patimpalak na isinagawa ng National Anti-Drug Abuse Council (ADAC) upang kilalanin ang mga munisipalidad, lungsod at lalawigan sa bansa na may natatanging programa para sa pagsugpo sa ilegal na droga.

 

22216total visits,83visits today