Ligtas, Makakalikasan, Matatag, Makabago, Maunlad at Nagkakaisang Imus

Ligtas, Makakalikasan, Matatag, Makabago, Maunlad at Nagkakaisang Imus

Iba’t ibang kwento. Iba’t ibang mukha ng pag-asa.

Sa sama-samang pagtugon, patuloy ang pag-ahon.

Narito ang ilang programa na nagbibigay ng epektibong serbisyo sa bawat mamamayang Imuseño para sa isang ligtas, makakalikasan, matatag, makabago, maunlad at nagkakaisang Imus.

LIGTAS NA IMUS

Patuloy ang kampanya ng Pamahalaang Lungsod para sa maayos na kalusugan at malusog na pangangatawan katuwang ang City Health Office at Ospital ng Imus.

Ang pamahalaan ay nakapagbibigay ng libreng bakuna para sa mga sanggol hanggang limang taong gulang laban sa mga sakit katulad ng tuberculosis, diphtheria, pertussis at tetanus (DPT), poliomyelitis, tigdas, beke, rubella, hepatitis-B at H. Inluenza type-B (HIB).  Buong taon ding ibinibigay ang pampurga, vitamin A, Iron drops, at bakuna laban sa dengue.

Tinitiyak din ang tamang nutrisyon ng mga kabataan sa isinasagawang Operation Timbang para sa mga pre-schoolers.

Nasisigurong naming nasa maayos na kalagayan ang mga nanay at mga sanggol, mula sa sinapupunan hanggang sa kanilang paglabas sa pagbibigay ng pre-natal at post-partum care.

Sa pagbubukas din ng Ospital ng Imus, isa sa mga Legacy Project ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi iba’t ibang abo’t kayang serbisyong medikal ang naihatid sa mga mamamayan.

Malaki rin ang ambag ng bawat pamilya sa komunidad kung kaya’t pinagtitibay ito sa pamamagitan ng mga programa ng City Population and Development Office.

Libreng namamahagi rin ang Pamahalaang Lungsod ng wheelchair sa mga senior citizen at persons with disability sa tulong ng Botika ng Barangay. Nakakapaghatid din ito ng libreng pustiso sa programa nitong “Operation Smile.”

Maigting din ang kampanya ng Pamahalaang Lungsod para sa kapayapaan at kaayusan ng pamayanan sa tulong ng Imus PNP, Bureau of Fire protection, Civil Security Unit, City of Imus Traffic Management Office at Tricycle Regulatory Unit.

Kabilang sa mga isinasagawang programa ang mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko. Nasasailalim din dito ang isinagawang Road Clearing Operations katuwang ang Office of the Building Official, City Engineering Office at General Services Office alinsunod sa mandato ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Isa rin sa mga tinututukan ang kaligtasan ng mga trasportasyon sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng prangkisa at pagsasagawa ng mga seminar para sa mga tricycle operator at driver sa lungsod.

Kaisa rin ang Imus sa kampanya laban sa Ilegal na Droga. Isa sa mga natatanging programa nito ang Cognitive Behavioral Therapy na nasasailalim sa pangangasiwa ng City of Imus Anti-Drug Abuse Council (CIADAC). Layunin nito na mabigyan ng reporma ang mga drug surrenderees sa pamamagitan pagsasalin sa kanila ng bagong kaalaman o kakayahan upang makapag-bagong buhay sila at higit na makakatulong sa kanilang mga pamilya at komunidad.

MAKAKALIKASANG IMUS

Iba’t ibang programa ang isinasagawa ng pamahalaan para sa kampanya nito tungo sa malinis at maayos na kapaligiran.

Bukod sa regular na pagsasagawa ng clean-up drive, nangunguna rin ang City Environment and Natural Resources Office sa pagsasagawa ng mga makabagong programa katulad ng BasuRaffle, Eco-Kooepratiba, at Eco-Caravan na umiikot sa bawat barangay at naghahatid ng mga pangunahing gamit kapalit ng mga recyclable wastes ng bawat kabahayan.

Isa rin sa pinagmamalaking programa ng pamahalaan ang Green Schools Program na siyang kauna-unahan sa buong CALABARZON Region. Sa Legacy Project na ito, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Solar Panel, Rain Water Harvesting System, Sewerage Treatment Plant (STP) at E-vehicle sa mga pampublikong paaralan.

Bagama’t industriyalisado na ang Imus, malaki pa rin ang pagpapahalaga nito sa pagpapayabong ng likas na yaman sa tulong ng mga agrikultural na programa nito sa tulong ng City Agricultural Services Office.

Bukod sa pagbibigay ng kaalaman sa modernong pagtatanim at pamamahagi ng mga butong pananim, ito rin ang nangangasiwa sa Organic Urban Farming Project ng administrasyong Maliksi na napapailalim din sa Legacy Projects.

Malaki rin ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Lungsod sa mga alagang hayop, kung kaya’t patuloy ang pagbibigay nito ng mga libreng serbisyo kagaya ng rabies vaccination, pet registration, spay at neuter kasama ang City Veterinary Services Office.

Kilala rin ang lungsod sa programa nitong Dog Adoption Day kung saan nabibigyan ng panibagong tahanan at pamilya ang mga aso na gumagala sa lansangan.

 

MATATAG NA IMUS

Dahil sa Imus, bida ang handa, ilang programa ang isinulong para sa kahandaan ng mga mamamayan sa anumang uri ng kalamidad sa tulong ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Bukod sa pamamahagi ng earling warning devices at public address system sa bawat barangay, nakapagtayo rin ang pamahalaan ng mga Community Action Centers o mas kilala bilang COMBO Buildings na binubuo ng CDRRMO, Imus PNP, Imus BFP at barangay sa iba’t iabng lugar sa lungsod.

Sa tulong nito agarang makakapagbigay ng aksyon ang pamahalaan sa mga emergency cases.

Ipinagmamalaki rin nito ang Junior Medic Program, kung saan sa murang edad pa lamang ay tinuturuan na ang mga kabataan ng basic life support at first aid.

 

MAKABAGONG IMUS

Kilala ang Imus bilang “City of the Future” buhat sa mga makabagong programa nito na nagdala ng iba’t ibang pagkilala at higit na kaunlaran sa lungsod.

Kabilang dito ang Digital Literacy Training ng Imus Public Library para sa iba’t ibang sektor sa pakikipagtulungan sa City of Imus Information Technology and Records Management Unit.

Bahagi naman ng Legacy Project ang itatayong bagong Government Center ng Imus. Ang gusaling ito ay isang green building o ginagamitan ng solar energy para sa matipid at makakalikasang paggamit ng enerhiya.

Isa rin sa tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa mga mamamayan.

Sa tulong Project EMMANUEL, ilang e-learning equipment ang naibahagi sa mga pampublikong paaralan para sa higit na pagkatuto ng mga mag-aaral.

Kaagapay din ng pamahalaang lungsod ang Imus Vocational and Technical School at City of Imus Polytechnic Institute para sa pagbibigay ng teknikal na kaalaman sa mga mamamayang Imuseño at pagkakataong makahanap ng trabaho o makapagtayo ng negosyo.

 

MAUNLAD NA IMUS

Isa sa mga tinututukan sa lungsod ay ang masiglang pagnenegosyo. Sa tala ng Business Permits and Licensing Office, mahigit 12,000 ang registered businesses sa lungsod.

Patuloy itong pinapalakas sa tulong ng mga programang inihanda ng pamahalaan sa pangunguna ng Imus Economic Investment Promotion Office. Kabilang dito ang Imus City Business Summit, Business Expo, Business Cliniquing at pagsasagawa ng mga seminars na makakatulong sa pagnenegosyo.

Kilala rin ang Imus bilang competitive at economically dynamic city sa bansa. Patunay sa maunlad na ekonomiya nito ay ang magandang datos mula sa koleksyon ng buwis ng City Treasurer’s Office, City Assessors Office, Office of the Building Official at Satellite Offices.

Bilang Laboratory Cooperative Capital of the Philippines, patuloy na kinikilala ang Imus sa pagsulong ng kooperatiba buhat sa mga programa nito sa pangunguna ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO).

Isa na rito ang Eskwela Kooperatiba. Nilalayon ng programang ito na isulong ang kooperatibismo at maituro ang kahalagahan ng pag-iimpok sa murang edad pa lamang.

Upang higit na maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat Imuseño, naghahatid ang Public Employment Service Office (PESO) ng mga programa na nagbibigay ng higit na oportunidad para sa dumaraming trabaho at mabigyan ang bawat isa ng karagdagang kaalaman tungkol dito.

 

NAGKAKAISANG IMUS

Kinikilala rin ng pamahalaan ang mahahalagang kontribusyon ng iba’t ibang sektor sa patuloy na kaunlarang tinatamasa ng lungsod kaisa ang City Social Welfare and Development Office, Persons with Disability Affairs Office (PDAO), Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), Imus Senior Citizens Association Inc. (IMUSCAI), Youth Affairs Office at International Affairs Office.

Aktibo rin ang Pamahalaang Lungsod sa pagsulong ng turismo at pagpapakita sa makulay na kultura at malaking ambag ng lungsod sa kasaysayan ng bansa, sa tulong ng mga programang isinasagawa ng City Tourism and Development Office.

Sa tulong ng bawat opisyal at departmento sa Imus, patuloy ang paghahatid ng epektibong serbisyo sa bawat mamamayan.

Sa pagkakaisa at pagtutulungan, tiyak na patuloy na mamamayagpag at maiwawagayway ang ganda at husay ng Lungsod ng Imus.

45total visits,3visits today

Add Comment