#KayaNatinItoImuseño: Imus sa Panahon ng Pandemya

#KayaNatinItoImuseño: Imus sa Panahon ng Pandemya

Tugon at Aksyon ng Pamahalaan sa Unang Kaso ng COVID-19 sa Lungsod

Matatandaan kinompirma ang kauna-unahang kaso ng Covid-19 sa Lungsod ng Imus noong ika-9 ng Marso sa opisyal na pahayag ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi.

Ito ay isang 48 taong gulang na residente ng Imus na nagmula sa bansang Japan at nanatili sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City upang tuluyang magpagaling mula sa Covid-19.

Ang pamunuan ng Imus City Health Office kaagapay ang DOH ay agarang nagsagawa ng contact tracing at imbestigasyon sa mga nakasamuluha ng pasyente.

Ilang mga paalala at gawain rin ang kaagarang ibinaba ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng Imus City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) para sa health at safety protocol na dapat gawin ng bawat mamamayan upang maprotektahan ang sarili laban sa Covid-19.

Physical Distancing Policy

Noong ika-11 ng Marso ay opisyal na ipinroklama ang pagpapatupad ng Social Distancing Policy sa iba’t ibang pampublikong pasilidad at maging sa mga pamilihan sa Lungsod ng Imus.

Ang lahat din ng malalaking aktibidad katulad ng Barangay Assemblies, graduation ceremonies, senior citizen biometrics, seminars, meetings, job fairs, sports activities at iba pang mga gawain o malalaking pagtitipon ay sinuspinde bilang pagsunod sa nasabing polisiya ng lungsod.

Sinimulan ding hikayatin ng Punong Lungsod ang mga mall, simbahan at iba pang establisimiento na naghahatid ng mga pangunahing pangangailangan para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga precautionary measure katulad na lamang ng pagkakaroon ng thermal guns (scanners) at alcohol sprays sa bawat napasok sa gusali.

Pagsasagawa ng Disinfection at Misting

Kaakibat ng kalinisan ay kaligtasan. Dahil dito, isinagawa ang disinfection at misting sa iba’t ibang barangay kabilang ang mga paaralan, pampublikong pamilihan, Child Development Cemters, iba pang pampublikong pasilidad at mga kalsada (main road).

Ito ay sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Imus, City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Engineering Office at General Services Office (GSO), katuwang ang 97 barangays.

Isolation at Decontamination Tent sa mga Pamilihang Bayan

Naglagay ng Isolation at Decontamination Tent sa mga entrada ng malalaking pamilihang bayan. Ito ay bahagi ng hakbang ng Pamahalaang Lungsod upang masigurado ang kaligtasan ng mga nagtitinda at mga mamimili.

Ang bawat decontamination tent ay FDA approved at ginagamitan ng organic at non-toxic chemicals, nangangahulugan lamang na ito ay ligtas na gamitin ng publiko.

Food Packs Distribution

Sa pakikipagtulungan ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod at iba’t ibang sektor na boluntaryong nakiisa sa repacking, daan-daang libong food packs ang naipamahagi sa mga mamamayang Imuseño na apektado ng community quarantine.

Malaking tulong din ang donasyon ng mga pribadong kompanya at ilang organisasyon upang mas maparami pa ang maibabahaging tulong sa publiko.

Pagkilala sa Natatanging Frontliner

Noong ika-27 ng Marso kinilala ang dedikasyon at sakripisyo ni Gng. Alita Gonzales, Central Endoscopy Unit Head Nurse sa Philippine General Hospital (PGH).

Tunay na hinahangaan ang kanyang dedikasyon na makatulong sa kabila ng kanyang edad at pagiging prone to risk.

Malaking bahagi ang mga health care workers sa krisis na ating kinakaharap ngayon bilang sila ang nangunguna sa pagsugpo sa Covid-19 at tumutugon sa pangangailangang medical ng ating mga kababayan.

Libreng Vitamin C sa mga senior citizens

Kabilang ang mga senior citizen sa mga madaling mahawaan ng Covid-19 buhat sa mahinang pangangatawan. Dahil dito, pinangunahan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Imus Senior Citizens Association, Inc. (IMUSCAI) ang pamamahagi ng humigit kumulang 2,650 boxes ng Vitamin C para sa mga senior citizen. Ang mga ito ay inihatid sa bawat tahanan ng mga senior citizen sa lahat ng barangay.

Layunin nito na palakasin ang immune system ng mga senior citizen habang nananatili sa kani-kanilang tahanan.

Extreme Enhanced Community Quarantine (EECQ)

Ang Lungsod ng Imus ay isinailalim sa Extreme Enhance Community Quarantine matapos na nakapagtala ng tatlong kompirmading kaso ng COVID-19 noong ika-26 ng Marso. Ang ika-tatlong kaso ay isang 57 taong gulang na residente ng Barangay Pasong Buaya 2 at nasa pangangalaga ng isang pribadong ospital sa Lungsod ng Manila.

Layunin ng EECQ na higit na paigtingin ang pananatili ng mga mamamayan sa kani-kanilang tahanan at maging ang pagsunod nito sa mga health at safety protocol para sa kaligtasan ng lahat.

Nasasailalim dito ang mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoints, pagpapatupad ng curfew hours at paghihigpit sa mga lumalabas sa kanilang mga tahanan.

Dito, ang bawat sambahayan ay binibigyan ng isang Home Quarantine Pass para sa pamimili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at pagsasagawa ng mga mahahalagang transaksyon. Nasa 18 hanggang 59 taong gulang lamang na may malakas na pangangatawan at maayos na kalusugan ang pinahihintulutan lamang dito.

Libreng Sakay

Sa kabila ng pinaigting na ECQ ay lubos na naapektuhan ang mga frontliners sa pagsuspinde ng mga public utility vehicle (PUV). Upang matulungan ang mga ito, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ang Libreng Sakay sa mga empleyado ng NCR at sa mga nagtatrabaho sa Lungsod ng Imus katuwang ang Tricycle Regulatory Unit (TRU).

Nagtakda ng point-to-point system ang pamahalaan para maisaayos ang sistema ng paghahatid sa mga frontliners at masiguro na maayos na nasusunod ang mga health protocol.

Kabilang din sa programa ang paghahatid ng libreng transportasyon sa mga mamimili sa loob ng lungsod. Sa pamamagitan nito, nababawasan ang pananatili sa labas ng mga mamamayan at madaling naihahatid ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa kani-kanilang tahanan.

Naniniwala si Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi na patuloy na magiging epektibo ang programa sa tulong ng kooperasyon ng bawat mamamayan. Patuloy din ang panawagan nito para sa pagsunod ng publiko sa mga itinakdang alituntunin upang masiguro ang kaligtasan ng lahat, bilang ito ang pangunahing prayoridad at tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

81total visits,2visits today

Add Comment