Kauna-unahang LGU Initiated Covid-19 Testing Facility sa Cavite, Binuksan sa Lungsod ng Imus

Kauna-unahang LGU Initiated Covid-19 Testing Facility sa Cavite, Binuksan sa Lungsod ng Imus

LUNGSOD NG IMUS – Pinasinayaan noong ika-5 ng Hunyo sa Barangay Malagasang 1-G ang kauna-unahang LGU initiated Covid-19 Testing Facility sa Lalawigan ng Cavite kasama ang bumubuo sa Pamahalaang Lungsod ng Imus at ilang kinatawan ng ibang ahensya ng gobyerno.

Ang City of Imus Molecular Laboratory ay sinimulan ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi bilang tugon sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa.

Bilang ang Lungsod ng Imus ay nasasailalim na rin sa General Community Quarantine (GCQ) at dumarami na ang mga nagbubukas na establisyimiento at pumapasok na empleyado, kailangang higit na paigtingin ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa Covid-19. Sa pamamagitan nito, marami ang mabibigyan ng pagkakataong masuri at mabigyan ng agarang atensyong medikal.

Mula rin sa suporta ng Sangguniang Panlungsod, naipasa noong Abril 20 ang City Ordinance No. 4-145 Series of 2020 para sa agarang pagpapatayo ng nasabing pasilidad.

Noong ika-8 ng Mayo, ito ay binisita ng mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at World Health Organization (WHO) para sa Stage 2 accreditation nito.

Humigit kumulang 45 araw ang pagpoproseso ng akreditasyon bago ito umabot sa Stage 3. Nakapasa na rin ito sa isinagawang Proficiency Test ng DOH at RITM noong Mayo 29. Dito sinusukat ang kapasidad ng isang testing facility na makapagbigay ng tamang resulta sa mga swab sample na sumasailalim sa pagsusuri.

Ang nasabing testing facility ay gumagamit ng RT-PCR technique na siyang tinaguriang ‘Golden Standard’ sa mga pagsusuri. Napapailalim din ang proyektong ito sa sektor ng public health kung saan mangunguna ang City Health Office katuwang ang Ospital ng Imus sa pagpapalakad nito.

Bago matapos ang buwan, nakumpleto na rin ang konstruksyon ng two-story building sa pangunguna ng City Engineering Office.

Opisyal na ring kinilala ang City of Imus Molecular Laboratory bilang isang accredited Covid-19 testing facility at nabigyan ng License to operate ng DOH noong Hunyo 4.

Ang proyektong ito ay isa lamang sa mga inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod para sa agarang pagsugpo ng Covid-19 sa lungsod. Buhat sa malaking epekto nito sa pamumuhay ng mga Imuseño, ilang programa rin ang inilunsad upang patuloy na makapaghatid ng epektibong serbisyo sa bawat mamamayan.

39total visits,1visits today

Add Comment