Kauna-unahang Child Welfare Card Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Kauna-unahang Child Welfare Card Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Niña Pauline L. Tapawan

LUNGSOD ng Imus – Pinangunahan ng Local Council Council for the Protection of Children (LCPC) sa pamumuno ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi kasama ang City of Imus Cooperative Development Office (CICDO), Eskwela Kooperatiba at City of Imus Schools Division Office ang pamamahagi ng BIDA KArd sa 3, 404 na kabataang miyembro ng Eskwela Kooperatiba.

Ang BIDA KArd ang kauna-unahang child development card sa buong Pilipinas na maaaring gamitin bilang cash card at discount o privilege card sa mga partner establishment sa lungsod. Sa tulong ng makabagong paraan na ito, mahihikayat at matuturuan ang mga kabataan na mag-impok. Isa sa mga tinutulungan din ng programang ito ang pagtaguyod ng lokal na turismo at produkto ng lungsod na siyang nasasalamin sa mga partner establishment ng Pamahalaang Lungsod.

Ito ay ipinamamahagi sa mga kabataang miyembro ng kooperatiba na may edad 17 na taon hanggang tatlong (3) taon. Sinimulan ang pamamahagi noong ika-22 ng Pebrero 2017 sa Imus National High School (INHS) at Gen. Emilio Aguinaldo National High School (GEANHS). Sinundan ito noong Pebrero 23, 2017 sa Imus Pilot Elementary School at Gov. D.M. Camerino Elementary School kasunod ang paglulunsad at pamamahagi sa Gen. Licerio Topacio National High School noong Pebrero 24, 2017.

Masayang nakiisa sa programa si City Mayor Emmanuel L. Maliksi, City Vice Mayor Arnel M. Cantimbuhan, Kon. Raymond Arguelles at Kon. L.A. Deocadis. Ibinahagi din nila ang kahalagahan ng pag-iipon sa mga kabataang Imuseño.

Sa pahayag ni Mayor Maliksi, kanyang ibinahagi na sa murang edad pa lamang ay mahalagang natututo na ang mga kabataan na mag-ipon. Mahalagang pinaglalaanan na rin ang kanilang kinabukasan at mga pangangailangan.

“Mahalaga ang pag-iipon para sa mga kabataan upang masigurado na sa panahon ng agarang pangangailangan ay mayroon silang mapagkukuhanan,” aniya ng alkalde.

Inaasahan din na sa mga susunod na buwan ay magkakaroon na rin ang mga mag-aaral ng Child Development Centers ng lungsod.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod upang higit na dumami ang mga partner establishment nito at makapaghatid ng tulong at dagdag pribilehiyo sa mga bata sa Imus. Sa ngayon, mayroong 11 na business establishment ang kabahagi sa programa na kinapapalooban ng mga sumusuonod:

  • Sugarcube Café Lounge
  • Tapsi-Kret
  • Big Ben’s Kitchen
  • Beantage Café
  • Sweet Solution
  • Café Juan Miguel
  • Nathan’s Restaurant
  • Kcauldron Café
  • Paredes Dental Clinic
  • Sornito Dental Clinic
  • Paredes Primary Care Center

Ang konseptong ito ay nabuo sa tulong ng LCPC at CICDO kaagapay ang Nationlink, Eskwela Kooperatiba at pakikiisa ng mga business establishment sa Imus.

Add Comment