Kapit-bisig para sa Pagbangon ng Taal Evacuees

Kapit-bisig para sa Pagbangon ng Taal Evacuees

Isa sa mga matinding kalamidad na kinaharap ng bansa lalong higit sa Lalawigan ng Batangas at Cavite ay ang pagsabog ng Bulkang Taal na nagdulot ng matinding pinsala sa libu-libong mamamayan at maging sa mga negosyo sa mga nasabing lugar.

Buhat sa matinding ash fall, tuloy-tuloy na paglindol sa mga kalapit na lugar ng bulkan at aktibong estado ng Taal, umabot sa ika-apat na alarma ang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa ilang libong lumikas sa kani-kanilang tahanan, tinatayang nasa 2,000 ang bilang ng mga mamamayan o nasa mahigit 300 na pamilya ang lumikas sa Lungsod ng Imus.

Upang tugunan ang mga pangangailangan ng Taal evacuees, naglunsad ang pamahalaang lokal sa pangunguna ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ng mga programa na bukas din para sa iba pang lumikas sa mga kalapit na lugar.

Una na rito ang pagbabahagi ng donasyon ni Mayor Maliksi at Vice Mayor Cantimbuhan noong ika-15 ng Enero sa Alfonso, Cavite Evacuation Center na isa sa mga may pinakamalaking bilang ng mga nagsilikas. Bukod sa mga pagkain, damit at hygiene kits, nagbahagi rin ng humigit kumulang 50 modular tents ang Pamahalaang Lungsod na nagsilbing temporary shelter ng mga evacuees.

Regular din ang pagsasagawa ng feeding program katuwang ang Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa mga kabahayan sa barangay Alapan II-B, Alapan I-C, Malagasang I-G, Carsadang Bago II at Buhay na Tubig kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga Taal evacuees at nasa ilalim ng pangangalaga ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala.

Hinikayat din ng Pamahalaang Lungsod ang mga Imuseño na magbahagi ng tulong at donasyon sa mga evacuees. Kaagapay nito ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na nangolekta ng mga donasyon sa bawat barangay at ibinahagi sa mga nasalantang kababayan.

Bukod dito, nais ng Punong Lungsod na makapagbigay din ng pangmatagalang tulong sa mga nasalanta sa pamamagitan ng kanyang “Hire to Help” Program. Layunin ng programa na makapagbigay ng oportunidad sa pagtatrabaho upang matustusan ang mga pangangailangan ng bawat lumikas na pamilya sa tulong ng mga business establishment sa lungsod.

Kabilang sa mga nakiisang pribadong kompanya ang pribadong kompanya na nakiisa ay ang; Liwayway Marketing Corporation, Jollibee, EMI Miyazaki, Ronald John General Merchandise, Kyuwinz Manpower Services, Margaja’s Catering Services, IFM Facilities Management, Amphie Enterprises, Jarvie’s Upholstery Shop, JCRC River Valley Water Refilling Station, A. Filipinas Jr. Electronic Parts and Services, Donaire Refrigeration and Airconditiong Services, Gold and Silver Construction Services, ACDC Learning Center, Cey Enterprises, JM Purification Trading, Celros Telecom, Lan Rich Enterprises, Kotse Café, November Ads, Inc., at ang D. Reyes Solar Equipment and Installation Services.

Sa higit na kahandaan at patuloy na pagkakapit-bisig ng mga mamamayan, anumang kalamidad o sakuna ay tiyak na malalagpasan.

43total visits,1visits today

Add Comment