Kalusugan ay Pangalagaan, Covid-19 ay Labanan

Kalusugan ay Pangalagaan, Covid-19 ay Labanan

Bilang tugon sa banta ng Covid-19 sa kalusugan ng bawat mamamayan, ilang programa at inisyatibo ang isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus katuwang ang iba’t ibang tanggapan, organisasyon at samahan.

Noong ika-1 ng Abril, 20,000 surgical mask ang natanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus mula sa Zhoushan, China, isa sa mga sister city ng lungsod sa pangunguna ni G. Zhuang Haibo Deputy Director for Foreign Affairs at G. Ian Sison, International Affairs Unit Head ng Imus.

Nakapaloob sa donasyon ang mensahe ng pakikiisa ng Zhoushan, China krisis pangkalusugan na kinakaharap ng lungsod at ng bansa: “Zhoushan Municipal People’s Government firmly stands with our sister City of Imus, the Philippines to meet all challenges together.”

Ang mga surgical mask na ito ay ibabahagi sa mga frontliners na katuwang ng lungsod sa paglaban sa Covid-19.

Upang maagapan at mabigyan ng agarang atensyong medical ang mga Person Under Investigation (PUI), ang pamahalaan ay nagtayo ng Imus Field Hospital sa Ospital ng Imus. Ito ay binubuo ng dalawang (2) isolation tents na may 10-bed capacity.

Sinimulan din noong Abril 15 ang Covid-19 targeted testing para sa mga PUIs, health care workers at frontliners sa tulong ng swabbing station na ibinahagi ng De La Salle Medical & Health Sciences Institute (DLSMHSI). Sa pamamagitan nito, mahihiwalay at mabibigyan ng karampatang atensyong medikal ang mga positibong kaso.

Bahagi rin ito ng hakbang ng lungsod upang maprotektahan ang mga fronliner na siyang nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayang Imuseñpo.

Pansamantala naman na ginawang isolation room ang Association of Barangay Captain (ABC) Hall para sa mga positibong kaso ng Covid-19 na asymptomatic o may mild symptoms lamang,

Naging kaisa rin ng pamahalaan ang Imus Vocational and Technical School (IVTS) para sa paggawa ng mga Personal Protective Equipment (PPEs) ng mga medical fronliners sa Field Hospital at ONI na nangangailangan ng humigit kumulang na 60 PPEs sa bawat araw.

Sa programang ito, naging katuwang din ng Pamahalaang Lungsod ang mga local designer sa paggawa ng mga PPE, at pamamahagi nito sa iba’t ibang ospital at medical institution sa lungsod.

Kasunod nito, namahagi rin ang pamahalaan ng alcohol, gloves, face mask, face shield at thermal scanner sa iba pang fronliners kabilang ang barangay.

Malaking bahagi rin ang gampanin ng mga Rural Health Unit (RHU) sa lungsod. Upang mapangalagaan ang mga kawani nito, naglagay ang City Engineering Office ng mga protective paraphernalia para sa bawat isasagawang konsultasyon sa mga nasabing tanggapan.

Para mabilis na matugunan ang mga Imuseño na nakararanas ng sintomas ng Covid-19, nagtalaga ang Pamahalaang Lungsod ng 24/7 emergency hotlines. Kasunod nito ang pagtatayo ng pitong (7) staging areas sa iba’t ibang cluster at activation ng Incident Command System (ICS) na siyang tutugon sa pangangailangang medikal ng mga mamamayan.

Aktibo rin ang pamahalaan sa pagbabahagi ng mga mahahalaga at wastong impormasyon sa tulong ng iba’t ibang communication channel nito.

Naging kaisa rin ng pamahalaan ang 81 enlisted personnel at officer ng Armed Forces of the Philippines Reserve Command (AFPRESCOM) at Army Reserve Command (ARESCOM) na boluntaryong tumulong sa Ospital ng Imus, relief operation at bawat staging area.

Sa kinakaharap na pandemya, ang mabisang paraan upang mapangalagaan ang sarili ay ang pagpapahalaga sa kalusugan. Kinikilala rin ng Pamahalaang Lungsod ang natatanging kontribusyon ng mga frontliner na siyang nagsasakripisyo para sa pagseserbisyo at pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga mamamayan.

66total visits,2visits today

Add Comment