Isulong, Karagdagang Trabaho para sa mga Imuseño

Isulong, Karagdagang Trabaho para sa mga Imuseño

Sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO), nakapaghatid ng karagdagang opotunidad sa humigit kumulang 500 na aplikante ang isinagawang Mega Job Fair noong Enero 24 sa The District Imus.

Kaisa rito ang 50 na kompanya na naging katuwang ng Pamahalaang Lungsod sa adhikain nito na makapagsulong ng karagdagang empleyo at matulungang maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Imuseño.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority sa isinagawa nitong Labor Force Survey (LFS) noong Oktubre 2019, nasa 4.5% ang unemployment rate sa bansa noong nakaraang taon.

Upang matulungan na patuloy itong mapababa, isa sa mga nakikitang solusyon ng Pamahalaang Lungsod ang paghahatid ng mga karagdagang opotunidad at pangmatagalang programa sa pagtatrabaho.

Taong 2019, matatandaang naisabatas naman ang Republic Act No. 11261 o First-Time Jobseekers Assistance kaagapay ang Department of Labor and Employment (DOLE). Sa tulong ng batas na ito, mas pinadali ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento ng first-time job seekers, kabilang dito ang mga nagtapos sa kolehiyo at K-12 o senior high school. Ilan sa mga dokumentong ibinibigay ng libre ang barangay certificate at clearance, birth at marriage certificates, police clearance at NBI clearance.

Bukod sa mga job fair, nagsasagawa rin ang Pamahalaang Lungsod ng livelihood programs katuwang ang City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO), Imus Vocational and Technical School (IVTS) at iba pang tanggapan sa bawat barangay sa lungsod. Dito, tinuturuan ang mga Imuseño ng iba’t ibang paraan na pwede nilang gawin at pagkakitaan.

87total visits,2visits today

Add Comment