ISO 9001:2015 Certification, Nakamit ng DepEd Imus

ISO 9001:2015 Certification, Nakamit ng DepEd Imus

Ni Christian Mespher A. Hernandez

Naghahanda na ang Department of Education (DepEd) Imus City sa pormal na pagtanggap sa ISO 9001:2015 certification na ipagkakaloob ng accrediting body na AJA Registrars, Inc. sa darating na Oktubre 29, 2018.

Matapos ang 10 buwang paghahanda at pagsasaayos ng mga kawani, proseso at dokumento (people, process, paper), opisyal na kinilala ng AJA ang organisadong quality management system (QMS) ng dibisyon na nagbibigay ng kaukulang halaga at atensyon sa mga pangangailangan at kasiyahan ng bawat kustomer na pinaglilingkuran.

Sa isinagawang third-party Stage 2 audit noong ika-18 ng Setyembre, sinabi ni Allan Carandang, lead auditor, na mahusay ang nagawa ng DepEd Imus dahil maaayos ang 3Ps kahit walang kinumisyong consultant.

“Congratulations. We are now recommending the organization for ISO 9001:2015 certification on the delivery of basic quality education services,” ani ni Carandang.

Nagpasalamat naman si Schools Division Superintendent Dr. Editha M. Atendido sa mga kinatawan ng AJA at sinabing isa itong “legacy” na kanyang iiwan sa DepEd Imus City kasunod ng kanyang paglipat sa Lungsod ng Gen. Trias.

Binigyang-diin ni Dr. Atendido ang malaking ambag nina Asst. SDS Dr. Catherine Maranan, Quality Management Representative (QMR) Gregorio A. Co Jr. at mga deputy QMR na sina Dr. Glenda DS. Catadman at Matea Alvyn H. Trinidad sa pagtutok sa pagpapatupad ng maayos na QMS.

Aniya, “Hindi po biro ang magpa-ISO certify kaya thank you sa lahat ng committee lead and members at sa buong organization.”

Ikinatuwa rin ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang nabanggit na ISO certification at ipinagmalaki ang kahusayan ng mga Imuseño sa larangan ng edukasyon.

“Bagama’t walang coach, nakaya natin. Ibang klase talaga ang mga tao na meron tayo sa Imus.”

Ang ISO 9001:2015 certification ay ipinagkakaloob sa mga organisasyong nakasusunod sa itinakdang international standards at requirements na sinusunod sa buong mundo.

6857total visits,149visits today