Isang Makabuluhang NDPR Week sa Lungsod ng Imus

Isang Makabuluhang NDPR Week sa Lungsod ng Imus

Pagbibigay ng mensahe ni G. Allendino Sastre, Persons with Disability Affairs Officer sa isinagawang Dental Mission para sa mga Public SPED Student

 

Ang kababayan nating may kapansanan ay aktibo nating kabahagi sa pagpapaunlad ng ating pamayanan.  Nagbibigay inspirasyon sila sa marami sa pamamagitan ng mga taglay nilang kakayahan sa kabila ng iba’t ibang hamong kanilang hinaharap.  Kung kaya naman ang isang patuloy na umuunlad na lokalidad kagaya ng Lungsod ng Imus ay nagsusumikap na lalo pang itaas ang antas ng pagsuporta at pagsulong ng kaunlaran.

Nitong nakaraang Hulyo 17 hanggang 23, sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), ay nakiisa ang Pamahalaang Lungsod sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.  Kaakibat ng temang “Karapatan at Pribilehiyo ng Maykapansanan: Isakatuparan at Ipaglaban,” nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad para sa kapakinabangan ng mga PWDs.  Isa na rito ang medical check-up para sa mga kawani ng Pamahalaang Lungsod noong ika-17 ng Hulyo. 

Sign Language Seminar-Workshop para sa mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Kasama ang Philippine Dental Association Imus Circle – Cavite Chapter ay binigyan ng pagkakataon ang mga kabataang mag-aaral sa iba’t ibang pampublikong paaralan ng Special Education Program na sumailalim sa isang dental mission program ng pamahalaan.  Ito ay ginanap sa Imus Sports Complex noong ika-19 ng Hulyo at nagbigay serbisyo sa may 309 SPED students.

Ang kahandaan at kaalaman ng mga kawani ng pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa mga kababayang may kapansanan ay mahalaga upang makapaghatid ng angkop na serbisyo sa mga nangangailangan.  Para dito, nakilahok sa isang Sign Language Seminar-Workshop ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod sa Imus Pilot Elementary School noong ika-20 ng Hulyo.  Nagsilbing tagapagturo si Bb. Adora G. del Mundo, Education Program Supervisor for SPED ng City Schools Division Office para sa programang ito na pinangunahan pa rin ng PDAO kasama ang Human Resource Management Unit.

Sa pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang ay naghatid naman ng saya ang PDAO kasama ang City Library at City Parks and Historical Sites Administration Unit sa mga bata sa pamamagitan ng Story Telling activity sa plaza ng lungsod.  Dito ay masayang nagkasama-sama ang mga bata, may kapansanan at wala, na naging isang simbolo ng pagkakapantay-pantay ng bawat isa.  Isa rin itong hakbang para maibahagi sa mga mas nakababatang henerasyon ang adbokasiya para sa inclusive growth at reintegration ng mga batang may kapansanan (PWDs).

Sa ilang araw ng mga aktibidad na ito ay masasabing naging makabuluhan ang pagdiriwang ng NDPR Week sa Lungsod ng Imus.   Ang pagkilala at pagpapahalaga ng kapwa-Imuseño sa kapakanan ng ating mga kababayang PWD ay asahang mananatili, hindi lamang tuwing sa pagdiriwang na ito kung hindi magpapatuloy sa marami pang taon sa ilalim ng Epektibong Lingkod Mamamayan.

82total visits,2visits today

Add Comment