Imus, Umani ng mga Pagkilala

Imus, Umani ng mga Pagkilala

Muling tumanggap ng pagkilala ang Lungsod ng Imus mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite para sa isinagawang Performance Audit sa Anti-Drug Abuse Council at Peace and Order Council nito para sa taong 2017.

Nanguna ang Lungsod ng Imus sa Peace and Order Council Performance Audit para sa Component Cities Category. Kasunod nito ang Lungsod ng Bacoor bilang 2nd place at Lungsod ng Dasmariñas sa ikatlo.

Bilang isa sa mga priority area ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, patuloy na pinalalakas ang seguridad sa lungsod sa tulong ng mga kapulisan nito.

Ilan sa mga programa nito ang pagtatalaga ng check-point sa mga cluster, maigting na kampanya laban sa krimen, regular na koordinasyon at pagpupulong sa bawat barangay at pagroronda sa lungsod.

Kinilala rin bilang pangatlo sa Anti-Drug Abuse Council Performance Audit ang Lungsod ng Imus buhat sa mga programa nito kagaya ng Cognitive Behavioral Therapy (CBT).

Ito ay isang uri ng community-based rehabilitation program para sa mga drug surrenderer. Kabilang din dito ang pagsailalim nila sa iba’t ibang technical at vocational courses na maghahatid ng oportunidad para sa pagkakaroon ng maayos na trabaho at pagkakakitaan.

Kaisa rito ang iba’t ibang religious at faith-based group na regular na nagsasagawa ng sesyon sa mga drug surrenderer.

Malaki rin ang pasasalamat ni Mayor Maliksi sa mga ahensya at kawani ng Pamahalaang Lungsod, gayundin ang pakikiisa ng bawat barangay para sa maayos na implementasyon ng mga programa para sa kapakanan at proteksyon ng mga mamamayan.

170total visits,5visits today