Imus, saksi sa tagumpay ng PUHC sa 30th SEA Games

Imus, saksi sa tagumpay ng PUHC sa 30th SEA Games

Naging bahagi ang Lungsod ng Imus sa mga inaning pagsisikap ng Philippine Underwater Hockey Confederation (PUHC) sa isinagawang 30th Southeast Asian (SEA) Games noong ika-4 ng Disyembre 2019 sa Ayala Vermosa Sports Hub Imus.

Nakasungkit ng bronze at silver ang mga atleta ng PUHC sa Men and Women’s 4×4 Division laban sa mga manlalaro mula sa Indonesia.

Buong suporta rin si Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi sa mga atletang ng underwater hockey bilang host city sa nasabing laro.

Ayon kay Mayor Maliksi, bilang isa ring aktibo sa larangan ng sports, ang Pamahalaang Lungsod ay palaging nakasuporta sa pangangailangan ng mga atletang Filipino dahil naniniwala ito sa potensyal ng bawat isa at sa malaking karangalang naiuuwi nito sa bansa.

Samantala, ang Vermosa Sports Hub Imus na siyang pinagdausan ng underwater hockey ay pagmamay-ari ng Ayala Land Corporation at may sukat na 800 hektarya. Matatandaan na noong ika-17 ng Marso ay opisyal itong binuksan sa publiko upang magsilbing lugar sa pag-eensayo ng mga manlalaro.

Ang naturang establisyemento ay may iba’t ibang pasilidad kabilang na ang 50 meter/ 10 lane swimming pool, 400m/ 9-lane track oval, football field, biking lanes, shopping center at indoor training room.

Bukod sa underwater hockey, host city rin ang Imus sa larong football kung saan naglaban ang bansang Indonesia at Laos sa City of Imus Grandstand and Track Oval noong ika-5 ng Disyembre.

Sa nagdaang 30th SEA Games sa bansa, iwinagayway ng mga Filipino ang husay nito at nanguna sa 10 pang bansa na nagpaligsahan sa iba’t ibang laro at kategorya. Ang Pilipinas ay nag-uwi ng 387 na medalya na kinabibilangan ng 149 Gold, 117 Silver at 121 Bronze.

32total visits,1visits today

Add Comment