IMUS PESO MANAGER KINILALA BILANG TOP PESO PERFORMER SA BUONG CAVITE

IMUS PESO MANAGER KINILALA BILANG TOP PESO PERFORMER SA BUONG CAVITE

Niña Pauline L. Tapawan

LUNGSOD ng Imus – Binigyang pagkilala si Bb. Clarita T. Clasing, Imus Public Employment Service Office (PESO) Manager bilang Top PESO Performer (Component City Category) noong nakaraang Mayo 13, 2016 ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa buong Cavite.

Kasunod ng pagkilalang ito, ang Imus PESO ay naging nominado bilang Best PESO sa buong Region 4-A.

Patunay lamang ito na maayos ang ating mga programa para sa pagpapaunlad ng mga trabaho ng bawat Imuseño.

Sa tala din ng Imus PESO may 67 na job fair, local recruitment activity at special recruitment activity na naisagawa simula sa taong 2013 hanggang sa kasalukuyan.

Ito ay nagbunga sa libu-libong mga Imuseño na nagkaroon ng trabaho para sa kani-kanilang pamilya.

Bilang pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, ginawaran ng parangal si Bb. Casing sa pangunguna ni Honorable City Mayor Emmnauel L. Maliksi.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni Mayor Maliksi ang kanyang pagbati sa panibagong karangalang naiuwi ng Imus PESO sa lungsod.

“Tayo ay lubos na natutuwa sa panibagong karangalan na naiuwi sa ating lungsod. Ito ang bunga ng ating pagsusumikap na magbigay ng trabaho sa mga kababayan nating Imuseño upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya”, aniya ng alkalde.

Matatandaan na noong nakaraang taon naiuwi din ng Lungsod ng Imus ang Top PESO Performer Award sa Cavite at naging nominado din sa pagiging Best PESO sa buong rehiyon.

Ang parangal na ito ay iginawad sa DOLE Cavite Provincial Office, Trece Martires City sa pangunguna ni Engr. Ignacio S. Sanqui, Jr., DOLE Cavite Provincial Office Director.

725total visits,1visits today