Imus PESO Itinanghal bilang Best PESO in Cavite

Imus PESO Itinanghal bilang Best PESO in Cavite

Pagsasagawa ng Mega Job Fair ng Imus PESO noong Marso 21, 2018 sa Robinsons Place Imus Activity Area bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.

Job fair para sa mga nagsipagtapos ng senior high school sa pakikipagtulungan ng Imus City Schools Division Office noong Abril 12, 2018 sa CityMall Anabu.

Sa liham ni Engr. Ignacio S. Saqui, Jr., Director II ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A, kinilala ang Imus PESO bilang Best PESO sa component city category sa buong Lalawigan ng Cavite.

Ang parangal na ito ay iginawad sa lungsod sa ikalawang pagkakataon buhat sa mga natatanging programa nito na nagpapatatag ng employment service programs ng ahensya.

Bukod sa pagkilalang ito, matatandaan na kinilala rin si Bb. Clarita Casing, Imus PESO Manager bilang Top PESO Performer sa buong lalawigan noong taong 2016 sa husay na ipinakita nito sa pamamahala ng mga programa ng Imus PESO.

Tunay na kahanga-hanga ang dedikasyon ng Imus PESO sa pamamagitan ng kanilang mga programa tulad ng job fair kung saan nabibigyan ng oportunidad ang mga mamamayang Imuseño na makapagtrabaho sa iba’t ibang lokal at internasyunal na kompanya na naging kabahagi na ng tanggapan sa mga adhikain at programa nito.

Sa pamamagitan ng mga programang ito libu-libong Imuseño ang natulungan at nagkaroon ng trabaho.
Ang kabuhayan ng mga mamamayan sa lungsod ay isa rin sa mga tinututukan ng administrasyong Maliksi sa kanyang eight-point agenda ng pamamahala. Dahil dito, patuloy rin ang pagsasagawa ng mga livelihood program upang mabigyan ng kaalaman ang mga Imuseño sa mga maaari nilang pagkakitaan.

Ang mga pagkilalang ito ay patunay lamang sa pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng Imus PESO na makapaghatid ng epektibong serbisyo sa mga mamamayan sa tulong ng mga programang pangkabuhayan na magpapaunlad sa antas ng pamumuhay ng mga Imuseño.

Inaasahan na sa pagpapatuloy ng ganitong mga adhikain at hakbang ng pamahalaan makakapag-uwi muli ng karangalan ang Imus PESO at patuloy na bababa ang unemployment rate ng lungsod.

23total visits,1visits today

Add Comment