Imus, Nakiisa sa Pagdiriwang ng NDPR Week

Imus, Nakiisa sa Pagdiriwang ng NDPR Week

Nakiisa ang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) simula Hulyo 15 hanggang 26.

Ang isang linggong selebrasyon sa temang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagpapatupad ng Karapatan ng mga Taong may Kapansanan,” ay nagsimula sa isang Oath Taking Ceremony para sa iba’t ibang asosasyon at samahan ng persons with disability (PWD) sa lungsod. Kabilang na dito ang City of Imus Down Syndrome Society (CIDSS), City of Imus Deaf and Hard of Hearing Group, Autism Society of the Philippines – Imus Chapter at Barangay Anabu II-B Persons with Disability.

Nagsagawa rin ng isang PWD Forum noong ika-16 ng Hulyo kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG,) at si Judge Maria Luwalhati C. Cruz bilang resource speaker.

Nakiisa rin ang iba’t ibang barangay sa lungsod sa nasabing selebrasyon sa kanilang pagkakabit ng mga PWD signage sa kani-kanilang barangay. Malaking bahagi ang ginagampanan ng mga barangay para sa malawakang kaalaman ng mga mamamayang Imuseño sa pangangalaga ng mga karapatan ng PWD sa lungsod.

Upang higit na makapagbigay ng epektibong serbisyo sa mga PWD na dumudulog sa tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, naghatid din ang PDAO ng Sign Language Seminar/Workshop. Sa tulong nito higit na mailalapit ang mga serbisyo ng pamahalaaan sa mga PWD sa pamamagitan ng maayos at epektibong pamamaraan ng komunikasyon.

Sa huling bahagi ng pagdiriwang, nakiisa ang Imus sa isinagawang Luzon Cluster Local Government Unit (LGU) Convention of PDAO on Disability Inclusive Development noong ika-22 ng Hulyo hanggang 26.

Ang pangangalaga sa karapatan at pangangailangan ng mga PWD sa lungsod ay hindi lamang natatapos sa isang linggong pagdiriwang. Patuloy rin ang paghahatid ng serbisyo sa mga PWD sa pamamagitan ng pamamahagi ng wheelchair at educational assistance. Nagsasagawa rin ng iba’t ibang programa ang pamahalaan upang mahasa at maipamalas ng mga PWD ang kanilang iba’t ibang talento at kakayahan kabilang na dito ang Imusikapansanan (Speciabilities Festival) na nasa ikatlong taon na.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, higit na kinikilala ng Pamahalaang Lungsod ang kontribusyon ng mga PWD sa patuloy na kaunlaran ng lungsod. Sa Imus, may kapansanan man o wala, ay mahalaga.

568total visits,1visits today

Add Comment