Imus Math Wizards, Umani ng Panalo sa mga Internasyunal na Patimpalak  

Imus Math Wizards, Umani ng Panalo sa mga Internasyunal na Patimpalak  

Mga kabataang Imuseño na umani ng pagkilala sa mga internasyunal na patimpalak.

Christian Mespher A. Hernandez

Nagpakita ng impresibong kahusayan sa mas mataas na antas ng kumpetisyon ang mga math wizard ng Lungsod ng Imus matapos umani ng dalawang ginto at anim na tansong medalya sa mga international competition na ginanap kamakailan.

Pagbibigay ng parangal kay Scoutla Rue Rosarda ng Imus Pilot Elementary School.

Apat na tansong medalya ang iniambag ng Team Imus sa 14th International Mathematics Contest (IMC) na ginanap sa Singapore noong Hulyo 27-30 kung saan itinanghal na over-all champion ang Pilipinas, ayon sa ulat ng Mathematics Trainers Guild-Philippines.

Kabilang sa mga bronze medalist ang mga Grade 4 na sina Tyrhone James Tabernilla at Ethan Geoffrey Yu ng Academia de Julia Victoria; Ryle Benedict Esquivel, Grade 5, mula sa Imus Pilot Elementary School; at si Hyo Jin Kim, Grade 9, ng International British Academy (IBA).

Nagkamit naman ng certificate of merit ang kapatid ni Kim na si Hyo Seong, Grade7, ng IBA.

Ani Dr. Josephine P. Canlas, superbisor ng Matematika ng DepEd Imus City, ang 14th IMC ay itinuturing na pinakakumpetitibong kumpetisyong pang-Matematika sa rehiyon at ngayon taon ay nilahukan umano ito ng 14 na bansa kabilang ang Pilipinas, China, Singapore, Taiwan, Thailand, Vietnam, South Korea, Malaysia at Indonesia.

Habang nagaganap ang 14th IMC, kasabay naman nito ang 2018 China Primary Mathematics Olympiad na ginanap sa Hangzhou, China noong Hulyo 27-Agosto 1 kung saan nagwagi ng gintong medalya sa team relay at tansong medalya naman sa individual category si Sarah Elizabeth P. Marfil ng Gen. Emilio Aguinaldo National High School.

Pagkilala kay David John Magpusao ng Imus National High School-Main sa isinagawang Flag Raising Ceremony.

Lumaban si Marfil sa Grade 6 Level. Siya ay nagtapos ng elementarya sa Malagasang II Elementary School.

Samantala, isang ginto at isang tanso ang inuwi ng mga Imuseño sa Olympic Mathematics 3D Cup Pan Asia Pacific International Invitation Competition 2018 noong Hunyo 28-Hulyo 3 sa Hong Kong sa katauhan nina David John P. Magpusao ng Imus National High School, Grade 7, at Scoutla Rue B. Rosarda, Grade 5 ng Imus Pilot Elementary School, ayon sa pagkakasunod.

“Nagpapasalamat po kami sa walang sawang suporta ng ating City Mayor Emmanuel L. Maliksi, kay Cong. Alex Advincula at sa iba pang mga opisyal at stakeholders na tumulong at sumuporta sa laban ng ating mga math wizards. Ang panalo nila ay panalo po ng ating lungsod,” ani ni Canlas.

194total visits,1visits today