Imus, Kaisa sa Pagdiriwang ng Nutrition Month

Imus, Kaisa sa Pagdiriwang ng Nutrition Month

Food fair bilang bahagi ng selebrasyon ng Nutrition Month

Ayon sa datos ng National Nutrition Council (NNC), ang pagkain nang tama at masusustansyang pagkain ay isa sa mga pangunahing paraan para maiwasan ang sobrang timbang, labis na katabaan o obesity, at pagkakasakit.  Kaya sa taong ito, iniakma ng NNC ang tema para mas pag-ibayuhin ang kampanya para sa tamang nutrisyon: “Healthy Diet, Gawing Habit – For Life!”

Sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo, masiglang nakiisa ang Lungsod ng Imus sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Health Office at Local Council for the Protection of Children (LCPC).  May pitumpu’t pitong (77) Child Development Centers ang nakilahok sa iba’t ibang programang kaugnay ng pagdiriwang noong ika-21 ng Hulyo.

Selebrasyon ng Nutrition Month na isinagawa sa Dimasalang Covered Court

Upang ipakita ang kanilang pagkakaisa at aktibong partisipasyon, pumarada mula sa Imus City Plaza hanggang Dimasalang covered court sa Barangay Poblacion IV-C ang mga kalahok.  Nagsagawa rin ng pagligasahan sa paggawa ng costume, buri at basket gamit ang mga prutas at gulay bilang dekorasyon.  Nagkaroon din ng Search for Nutri Child 2017 kung saan nagpakitang gilas ang mga pinakamalulusog na mga bata ng Imus. Hinirang na kampeon sa patimpalak si Yanna Lois B. Dayanghirang ng Bayan Luma 3.

Mas madaling mahikayat na kumain nang tama lalo na ang mga kabataan kung malikhain at maganda ang presentasyon ng pagkain.  Kaugnay nito ay nagkaroon ng paligsahan sa pagluluto ang ilang mga magulang ng mga bata sa day care.  Sa nasabing patimpalak, hinirang na nanalo si Elma Agustin ng Parkdale Subdivision.

Para kumpletuhin ang programa ay nagsagawa rin ng Nutrition Symposium para sa mga nagsidalo kung saan nagbigay ng mahahalagang paalaala at imporamsyon tungkol sa mga angkop na pagkain para sa mga kinakailangang bitamina at nutrisyon para sa iba’t ibang kondisyong pangkalusugan.

Bahagi rin ng selebrasyon ang pagsasagawa ng Food Fair sa pangunguna ng City Health Office kaagapay ang City Agricultural Services Office, Imus Vocational and Technical School, City Schools Division Office, City Parks and Historical Sites Administration Unit, International Institute of Rural Reconstruction (IIRR) at LCPC. Ito ay nagsimula noong Hulyo 25 hanggang Agosto 17 at isinasagawa tuwing araw ng Martes at Huwebes.

Sa pagsusulong ng isang mas masigla at malusog na pamayanan, lalo na para sa mga kabataan, tunay na nagkakaisa ang Lungsod ng Imus.

114total visits,2visits today

Add Comment