Imus, Itinanghal bilang Top Performer at ECA Platinum Awardee sa buong Rehiyon

Imus, Itinanghal bilang Top Performer at ECA Platinum Awardee sa buong Rehiyon

Calamba, Laguna – Kinilala ang Lungsod ng Imus bilang Top One in LGU compliance assessment for the Manila Bay clean up, preservation and rehabilitation program at Platinum Awardee on Environmental Compliance Audit (ECA) sa dalawang magkasunod na taon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong ika-13 ng Disyembre.

Bukod sa karangalang iginawad sa lungsod, kinilala rin si Bb. Doris Sagenes, OIC-City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Imus CLGOO Melita Villaruel para sa natatanging kontribusyon sa patuloy na pangangalaga ng kapaligiran at pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas pangkapaligiran.

Mula pa noon, aktibo na ang Lungsod ng Imus sa pangunguna ng CENRO at sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya sa pakikiisa sa Manila Bay Clean-up at pagsasagawa ng iba pang mga hakbang tungo sa maayos at malinis na kapaligiran. Patunay dito ang iba’t ibang parangal na natanggap ng lungsod mula pa noong taong 2015.

Bahagi rin ng makakalikasang inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod ang Green School Program na nasasailalim sa Legacy Projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi.  Ito ay isang programang pangkalikasan para sa mga paaralan sa lungsod kung saan magkakaloob ng Solar Energy System, Rain Water Harvesting System, Sewerage Treatment Plant (STP) at e-vehicle.

Upang matugunan ang suliranin sa humigit kumulang na 30% ng nabubulok na basura, ipinatupad ang Biodegradable Waste Segregation and Collection. Dito, naglaan ng dalawang (2) garbage trucks upang hakutin ang mga nabubulok na basura sa 22 barangay na binubuo ng 43 subdivisions at dalawang (2) public market. Ang mga nahahakot na nabubulok na basura ay dinadala sa composting facility na matatagpuan sa Malagasang 1-A. Ito ang pinakamalaking composting facility sa Lalawigan ng Cavite na may sukat na 2,300 square meters.

Para sa pagbawas ng mga residual o plastic waste sa Imus, inilunsad ng CENRO ang Basuraffle noong taong 2017 kaisa ang mga barangay na aktibong nakikilahok sa programa.

Bahagi rin ng mga inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod ang paggawa ng ecological bricks, bayong at pitaka na nagmula naman sa mga maaayos na plastic wrapper mula sa mga pabrika. Ang mga produktong ito ay bunga ng mga isinasagawang recycling project at livelihood program na ibinababa sa bawat barangay, paaralan at subdivisions.

Kaisa rin ng Pamahalaang Lungsod ang mga pampublikong paaralan sa lungsod sa pagsasagawa ng Ekooperatiba, kung saan pinapalitan ang mga recyclable waste ng pera para sa kanilang kooperatiba. Sa murang edad pa lamang ay tinuturuan na ng programa ang mga kabataan na magresiklo at mag-impok, na nagbigay daan upang kilalanin ito ng Department of Natural Resources bilang National Best Innovation Project for School-Base.

Ngayong taon, inilunsad din ng Pamahalaang Lungsod ang Eco-Caravan. Sa programang ito, iikot ang Tindahan ni Aling Doring sa bawat barangay at subdivision. Dito maaaring palitan ang mga nareresiklong basura ng mga pangunahing pangangailangan at kagamitan sa bahay.

Sa tulong ng mga programang ito, nababawasan ang mga tinatapon na basura, nalilinis ang kapaligiran at napapakinabangang muli ang mga basurang itinatapon lamang. Nagbunga rin ang mga inisyatibong ito ng iba’t ibang parangal para sa Lungsod ng Imus.

714total visits,2visits today

Add Comment